
COTABATO CITY – Nalalagay ngayon sa alanganin si Shariff Aguak Mayor Bai Zahara Ampatuan matapos na ibintang sa kanya ang pagkakapatay sa isang opisyal ng Sanguniang Bayan sa kanyang lugar.
Naglabas ng arrest warrant ang korte laban kay Ampatuan matapos itong isabit ng pamilya ni Alfredo Amelista, ang secretary ng Sanguniang Bayan, sa krimen. Nabaril si Amelista sa nasabing bayan nitong Abril.
Pinaghahanap na umano ng pulisya si Ampatuan at dalawa pang iba kaugnay sa kaso. Acting mayor ngayon ng bayan si Vice Mayor Marop Ampatuan, na pamangkin ng akusado.
Sinabi naman ng isang insider na politically-motivated ang kaso laban kay Mayor dahil malakas ito sa kanyang bayan. Wala umanong kinalaman si mayor sa krimen.
Hindi rin umano ito nagtatago at haharapin ng mga abogado ni mayor ang asunto laban sa kanya.
“Politically-motivated ang kaso laban kay Mayor Bai Zahara at napakabait na tao si Mayor at kilalang peace advocate yan sa Maguindanao. Itinanggi niyang lahat ang akusasyon sa kanya. Malakas at popular kasi si Mayor sa mga tao kung kaya’t iniipit nila ng husto. Inaalam ng pamilya ni Mayor kung sino ang talagang nasa likod nitong black propaganda,” sabi pa ng insider sa panayam ng Mindanao Examiner.
Kilalang peace advocate si Ampatuan at ito rin ang nasa likod ng maraming peace efforts sa Maguindanao at siyang nagbati sa militar at Moro Islamic Liberation Front.
Nitong taon lamang ay umani ito ng ng parangal mula sa MILF at Internationa Monitoring Team at 6th Infantry Division dahil sa suporta nito sa peace process sa Mindanao.
Ginawaran rin si Ampatuan ng dalawang pagkilala sa kanyang walang-humpay na pagsisikap upang maisulong ang kapayapaan sa kanyang lugar. Ibinigay ang naturang pagkilala sa ika-18 anibersaryo ng Shariff Aguak nitong taon lamang.
Saksi sa pagbibigay ng naturang pagkilala si MILF leader Ustadz Wahid Tundok na malaki naman ang respeto kay Ampatuan, at mga opisyal ng militar sa pangunguna ng dating 6th Infantry Division commander Maj. Gen. Romeo Gapuz at 1st Mechanized Brigade commander Col. Edgar Gonzales, at kanilang battalion commanders, gayun rin si Maguindanao police chief Senior Supt. Rodelio Jocson and mga kinatawan ng ibat-ibang grupo at sektor sa lalawigan.
Maging ang MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities ay nagbigay rin ng pagkilala kay Ampatuan dahil sa suporta nito sa peace process sa Mindanao. (Mindanao Examiner)