
CEBU CITY – Hindi pa rin natutunton ang salarin sa pamamaslang kay Cebuano hotelier na si Richard King sa kabila ng malaking pabuya sa sinumang makakapagturo sa pumatay sa milyonaryong negosyante.
Si King, na siyang may-ari ng Crown Regency Group of Hotels at iba pang mga negosyo, ay pinaslang noon Hunyo 12 sa harapan ng kanyang mga empleyado sa Davao City.
Pinasok ng salarin ang Vital C Building ni King na kung saan ito nag-seminar ukol sa kanyang mga health products at saka binaril sa ulo sa harapan ng mga empleyado. Mabilis na tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasamahan sa labas ng gusali.
Inilabas na rin ng pulisya ang composite image ng lalaking tumira kay King, subali’t limitado pa rin ang impormasyon ukol sa salarin. Hinihinalang hindi ito taga-Davao at posibleng mula sa ibang lalawigan.
Itanaas na rin sa P1.3 milyon mula P500,000 ang gantinpala sa sinumang makakapagturo sa pumatay kay King. Mahigpit ngayon ang imbestigasyon ng pulisya ukol sa kaso ng milyonaryong negosyante.
Sinabi naman ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na patuloy ang imbestigasyon sa kaso at sinabihan nito ang pulisya na huwag munang maglalabas ng anumang balita ukol dito upang hindi ito madiskaril.
Nakausap na rin ni Duterte ang pamilya ni King, subali’t hindi naman nito sinabi sa media ang mga detalye ng kanilang meeting. Negosyo at ang personal na buhay ni Kung ang siyang sinisipat ngayon ng imbestigasyon upang mabatid kung may kinalaman ang pamamaslang sa kaso.
Inilibing si King sa isang mausoleum sa Cebu Memorial Park nitong Hunyo 18 at hustisya ang hinihingi ng pamilya nito. (Cebu Examiner)