
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Aug. 3, 2014) – Hindi pa rin matukoy ng pulisya kung sino ang tumira sa isang saksi sa pagpatay sa manunulat na si Nestor Bedolido, ngunit patuloy umano ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen.
Binaril ng tatlong armado si Ritchie Manapol, 34, nitong Hulyo 31 sa isang bilyaran sa Davao City at saka tumakas ng masiguradong wala na itong buhay.
Ayon sa mga nakakita sa pagpatay ay nagtangka pang tumakas si Manapol, ngunit hinabol naman ito ng mga salarin at ng ma-korner sa bilyaran ay tinadtad naman ito ng bala.
Si Manapol ay saksi sa pamamaslang ng mga armado kay Bedolido noong 2010 sa Digos City.
Nabatid na nasa Witness Protection Program ng Department of Justice si Manapol at hindi pa mabatid kung bakit wala itong bantay gayun isa ito sa mga pangunahing saksi sa pamamaslang kay Bedolido.
Naunang sumuko noon ang isang suspek sa pagpatay sa mamamahayag at isinabit nito ang ilang politiko sa krimen. (J. Magtanggol)