
MAYNILA – Binatikos ngayon ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang Bureau of Customs at Department of Agriculture dahil sa umano’y patuloy na nakalulusot ang botya sa bansa.
Sinabi ni ALAM President Berteni Causing na walang ginagawang matibay na hakbang si Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon upang matigil ang smuggling ng karne.
Nagbibingi-bingihan umani si Biazon kahit pa kabi-kabila ang pagbatikos ng media sa kanya. Kahit umano alam na ni Biazon kung sino ang huhulihin ay wala pa rin itong ginagawa.
Hindi rin umano nahihiya si Biazon na nakakaladkad ang kanyang pangalan sa kontrobersya at wala man lamang siyang nahuhuli kahit isa.
Halos 15 container vans ng karne ang umano’y sinasabing nakalulusot mula sa BOC araw-araw. Nangangahulugan umano ito ng pagkalugi ng gobyerno ng P600,000 hanggang P650,000 sa buwis.
Gayunman, hindi umano ito ang mas nakatatakot dahil karamihan sa mga nakalulusot na karne ay bulok na at ibinibenta sa mga palengke sa murang halaga.
Nagtataka naman si Causing kung bakit puro sibuyas lamang ang nahuhuli ng BOC samantalang dumaraan araw-araw sa mga kalsada ang malalaking container vans na may kargang smuggled na karne.
Sinabi pa ni Causing na baka mas inuuna ni Biazon ang paghahanda para sa pagtakbong senador sa 2013 elections kaysa kanyang tungkulin bilang BOC Commissioner.
Matatandaang nagbabala ang Department of Health na makasasama sa kalusugan ang pagkain ng botya. Maaari umano itong maging sanhi ng food poisoning na ikinamamatay ng tao, partikular ang mga bata.
Ayon naman kay ALAM Chairman Jerry Yap, mas sinisisi niya sa pagkalat ng botya ang DA at National Meat Inspection Service (NMIS). Kung nakalusot man umano sa BOC ang botya, dapat umano ay mabantayan ito ng NMIS sa mga palengke.
Hindi umano niya masisi ang United Broilers Raisers Association na magbanta ng “pork and chicken holiday” dahil hindi naman magawa ng gobyerno ang kanilang tungkulin upang mapangalagaan ang kanilang interest.
Paano umano pakikinggan ng mga magbababoy at magmamanog ang pakiusap ni DA Sec. Proceso Alcala na huwag ituloy ang “pork holiday” kung hindi naman nila mapigilan ang pag-ulan ng imported na karne sa Mercado.
Kahit pa umano anong dayalogo ang kanilang gawin ay malinaw na malinaw pa ring nalulugi sila dahil sa kapabayaan ng gobyerno. (Nenet Villafania)