
MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / Mar. 12, 2013) – Tirik na ang araw nang dumating sa Polloc port ang tatlong package ng solar panel. Mula sa dumptruck ng Provincial Engineering Office ay ibinaba ang daang-kilong bigat ng mga poste na bakal at mga solar panel equipment sa Bacolod port sa bayan ng Parang sa Maguindanao province.
Kasama ang mga kawani ng Provincial Engineering Office ay isinakay sa banca ang mga kargamento upang itayo ang mga solar panels sa mga strategic areas ng Barangay Litayen na sentro ng pitong barangay sa isla ng Bongo.
Isa sa pinili ng kanilang mga lider sa barangay na patayuan ng Solar street light ay malapit sa barangay hall at birthing clinic sa lugar at maging sa dulo ng bongo port upang maging landmark ng mg mangingisda sa tuwing iilaw ang poste nito sa gabi, ayon kay Provincial Engineer Abdulracman Asim.
Bukod pa ito sa naunang mga solar street light na ipinayo sa sentrong paaralan ng elementarya sa nasabing barangay. Mapayapa ang pamumuhay sa isla – sagana sa mga yamang-dagat, pero pangunahing problema ang kuryente, ayon sa residenteng si Abdila Bandar na isa rin opisyal ng barangay sa lugar.
Kaya ganoon na lamang kalaki ang kanilang pasalamat at sa kasabila ng layo nila sa kabihasnan ay napansin sila ng pamahalaang-panlalawigan ng Maguindanao.
“Naramdaman ng residente dito ang serbisyo ng pamahalaan, hindi namin ito lubos maisip na mabigyang pansin pa kami gayong nasa kasuluk-sulukan na kami ng lalawigan, masaya ang mga residente lalo na yung binisita pa kami mismo ni Governor Mangudadatu upang magpa-abot ng serbisyong medikal, mga educational package at balitang mga proyekto sa kabila ng masungit na panahon dala ng bagyo,” ani Bandar sa panayam ng Mindanao Examiner.
Nabago din umano ang pananaw nito sa bagong liderato ni Mangudadatu dahil ang akala ng mga taga-isla ay sa panahon lamang sila ng halalan nakakakita ng mga pinuno na kailangan ang kanilang suporta, sambit pa ni Bandar.
Ayon naman kay Bai Ata Adam, isang Barangay kagawad sa nasabing lugar, bukod sa pagbibigay halaga sa edukasyon kung saan dalawa sa mga volunteer teachers ay pinaswelduhan ng lalawigan na na nagtuturo ngayon sa mga kabataan, malaking tulong din umano ang rehabilitasyon ng patubig sa kanilang lugar at kung saan ay inayos din ang water system sa kanilang lugar.
Ayon pa kay Officer-in-Charge District Supervisor ng Bongo na si Babai Parna, nakakaluwag umano sa damdamin na tutugunan ng gobernador ang kanilang matagal nang inasam-asam na covered court nang minsang isangguni nito ang kanilang hiling sa araw ng binisita nito ang kanilang isla.
Bahagi ng mandato sa administrasyon ni Mangudadatu na maabot ng serbisyo ng pamahalaan ang mga liblib na mga kumunidad lalo na sa pailaw, farm-to-market roads at serbisyong medikal na nauhaw ng ganitong pagkalinga ng pamahalaan. (Lance Ballentes)