
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 25, 2013) – Bagamat nagtapos ng mapayapa ang special barangay elections sa Zamboanga City ay naging magulo naman ang sistema nito dahil maraming mga botante ang nagreklamong nawalan ng pangalan sa mga presinto o hindi matagpuan ang mga lugar na kung saan sila dapat bumoto.
Nagkaroon rin ng girian ang mga supporters ng magkakalabang kandidato kung kaya’t napilitang magpaputok diumano ng warning shot ang isang sundalong nagbabantay sa Zamboanga State College of Marine Sciences and Technology na kung saan ay todo-bantay ang militar at pulisya.
Kinakapkapan rin ng mga pribadong security guards doon ang mga bawat isang botante upang masigurong walang patalim o armas at bomba ang makakapasok sa lugar ngunit hanggang baywang lamang ang pagkakapkap sa mga ito.
Doon ginanap ang halalan para sa barangay ng Rio Hondo, Arena Blanco, Mariki at Sta. Barbara na apektado ng labanan noong Setyembre sa pagitan ng militar at rebeldeng Moro National Liberation Front.
May mga ulat rin ng mga flying voters at mga botanteng bumoto ng ilang ulit matapos na malusutan ang mga election inspectors sa Barangay Lunzuran.
Halos 3,000 kandidato para sa 784 posisyon sa 98 barangay sa Zamboanga at nagsimula ang halalan dakong alas 7 ng umaga hanggang alas 3 ng hapon. (Mindanao Examiner)