
Si Sultan Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun, ng Sultanate of Sulu and North Borneo, sa kanyang press conference sa Zamboanga. (Mindanao Examiner Photo)
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 14, 2013) – Umani ng matinding batikos si Sulu Sultan Jamalul Kiram mula sa heir ng Sultanate of Sulu and North Borneo sa kaguluhan ngayon sa Sabah na kung saan ay libo-libo na ang mga Pilipinong nagsilikas doon dahil sa labanan.
Sa ikalawang pagkakataon ay muling umapela si Sultan Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun, ng Sultanate of Sulu and North Borneo, sa Malaysia na huwag idadamay ang mga Pinoy sa Sabah.
Libo-libong mga refugees na mula Sabah ang dumagsa sa Tawi-Tawi at Sulu dahil sa opensiba ng Malaysia na nagsimula pa nitong buwan.
“Hinihingi ko sa Malaysian government na huwag idamay ang mga sibilyan at kawawa naman ang mga ito na nagne-negosyo at nagta-trabaho doon sa Sabah. Kaya nananawagan ako sa ngayon sa Prime Minister ng Malaysia na (si Dato’ Sri Haji Mohammad Najib bin Tun Haji Abdul) ayusin nila ang mga sibilyan at huwag nilang sasaktan at huwag nilang tatawaging mga terrorista dahil kami ang tunay na may-ari ng Sabah, ang Sultanate of Sulu,” ani Sultan Shariff Pulalun sa isang press conference na isinagawa sa Zamboanga.
Binatikos ni Sultan Shariff Ibrahim si Sultan Jamalul sa ginawa nitong hakbang sa pagsugod sa Sabah na nag-resulta sa pagkamatay ng maraming tao at ang naging epekto ni sa mga nawalan ng trabaho at sa dulot na sigalot sa pagitan ng Malaysia at Pilipinas.
“Si Jamalul naman, sana ay marami naman paraan at madaraan sa mabuting usapan ito. Dapat inilapit niya sa Mahal natin President (Benigno) Aquino at humingi siya ng tulong upang kausapin ang Malaysian government sa magandang paraan.”
“Hindi maganda ang ginawa niya kasi (isa lamang) siyang Administrator ng Sultanate of Sulu and North Borneo. Bakit niya ginawa iyan? Hindi siya humingi ng pahintulot sa totoong Sultan at wala siuyang karapatan na tawaging sultan ang kanyang sarili dahil ang totoong sultan ay si Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun. Sa amin ang mnga lupain diyan sa Sabah at hindi yan pagmmay-ari ni Jamalul Kiram dahil administrator lamang siya,” ani pa nito.
Sinabi pa ni Sultan Sharif Ibrahim na dapat tulungan ng bansa ang mga Pilipinong Muslim sa Sabah at hindi si Sultan Jamalul. “Kaya nanawagan ako sa buong Sabah at sa buong bansa na tulungan natin ang mga kaawa-awang mga sibilyan natin doon. Nanawagan akong muli sa Malaysia na huwag nilang sasaktan o patayin ang mga sibilyan at sa halip ay dapat nilang tulungan pa,” wika pa ni Sultan Sharif Ibrahim, na siyang direct descendant naman ng lolo nitong si Sultan Mohd Pulalun na pinuno ng Sultanate of Sulu and North Borneo nuong 1844.
Mistulang mga hayup sa kagubatan na isa-isang pinapatay ng mga hunters ang lumiliit na puwersa ng Sultanate of Sulu sa Sabah na kung saan ay patuloy ang assault ng Malaysia sa nasabing grupo.
Long-range Barrett sniper rifles na rin ang gamit ng pulisya laban sa grupo ni Raja Muda Agbimuddin Kiram, ang kapatid ni Sulu Sultan Jamalul Kiram, na kanyang ipinadala sa Sabah na pinagaagawan ng Malaysia at Sultanate of Sulu.
Binakbakan ng Malaysia ang halos 200 mga followers ni Raja Muda matapos na tumanggi ang mga itong lumayas at sumuko sa nasabing isla na kung saan ay may tinatayang 800,000 mga Pinoy.
Sinasabing mahigit na sa 60 ang napapatay ng Malaysia sa panig ni Raja Muda at 75 naman ang mga dinakip dahil lamang sa hinihinalang supporters o miyembro ng Sultanate of Sulu. Sa mga nagkalat na larawan mula sa Royal Malaysia Police ay isang babaeng kasamahan ni Raja Muda at dalawang lalaki rin ang napaslang.
Sa kabila nito ay patuloy pa rin nagbabayad ang Malaysia sa Sultanate of Sulu ng “cession money” sa halagang P70,000 bawat taon. (Mindanao Examiner)