
SULU (Mindanao Examiner / Mar. 7, 2014) – Muling nagbigay ng kanilang suporta kay Sulu Gov. Totoh Tan ang ibat-ibang sektor sa lalawigan habang patuloy ang mga programa at proyekto ng pamahalaang panlalawigan.
Kaliwa’t-kanan ang ang isinasagawang pagsisikap ni Tan upang mas lalong pakinabangan ng mga mamamayan ang lahat ng mga proyekto nito mula impraistraktura hanggang pangkabuhayan, at maging sa lokal na ekonomiya at sa kasalukuyang peace order condition dito.
Kamakailan lamang ay muling binuksan ni Tan ang Sulu Disaster Risk Reduction and Management Council na kung saan siya ang chairman at binalangkas doon ang ibat-ibang isyu bilang paghahanda sa mga kalamidad.
Ang pulong na isinagawa sa Kapitolyo ay dinaluhan ng ibat-ibang kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan at isa sa mga isyu na tinugunan ni Tan ay ang disaster risk reduction management system. Kaagapay rin ng pamahalaan doon ang ibat-ibang mga network partners at grupo.
Hinimok naman ni Tan ang mga mamamayan na maging malinis sa kanilang kapaligiran, partikular ang mga nananinirahan malapit sa mga tabing-dagat at sa ibat-ibang barangay sa mga bayan, upang maiwasan ang polusyon at ang pagkalat ng mga basura.
Umani ng suporta sa publiko si Tan dahil sa mga programa nito na ipinagpatuloy mula sa sinimulan ng amang si dating Gov. Sakur Tan. Malaking-malaki na ang ipinagbago ng Sulu kung ihahambing sa mga nakalipas na dekada at ng maupo bilang governor si Tan senior ay tinutukan nito ng husto ang lalawigan upang ito ay mapaunlad at ngayon ay mistula ng lungsod dahil sa mabilis na progreso sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Suportado rin ng pamahalaang Aquino ang kasalukuyang administrasyon ng nakababatang Tan na tumatahak sa yapak ng pilantropong ama at gumagawa ngayon ng sariling pagkilala. Kilalang respetado hindi lamang sa Sulu ang pamilyang Tan, kundi maging sa Mindanao. (Mindanao Examiner)