
MANILA (Mindanao Examiner / Sept. 13, 2012) – Dismayado ang grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) matapos na mamatay ang isa sa mga suspek sa pagpaslang kay environmentalist at brodkaster Dr. Gerry Ortega sa Palawan province.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, nakatakas na nga ang mga mastermind na sina dating Palawan Gob. Joel Reyes at Coron Mayor Mario Reyes ay namatay pa ang isa sa nahuling suspek na si Valentin Lecias sa Ospital ng Palawan.
Nasawi umano si Lecias dahil sa malalang sakit sa atay. Naaresto si Lecias noong Mayo 6 matapos ituro na siyang bumili ng baril na ginamit ng hitman na si Marlon Recamata para patayin si Ortega.
Dati umanong pag-aari ni ex-Palawan provincial administrator Atty. Romeo Serratubias ang naturang armas. Si Lecias ay official photographer ni Palawan Vice Gov. Clara Reyes na asawa naman ni Joel Reyes.
Sinabi naman ni ALAM President Berteni Causing na kahit tiniyak ni Department of Justice Sec. Leila de Lima na aaksyunan ang Ortega slay case, mahihirapan na sila dahil nakalabas ng Pilipinas ang mga pangunahing akusado sa kaso.
Aniya, para ngayong naghahanap si De Lima at ang Bureau of Immigration ng karayom sa bunton ng dayami. Kahit pa umano tumulong ang Philippine National Police,Criminal Investigation and Detection Group, National Bureau of Investigation at Interpol, kaya ng magkapatid na magpaikot-ikot sa ibang bansa, gamit ang ibang pangalan at magbalatkayo.
Ngunit mas nadismaya si Yap sa pagkapit-tuko ni BI Commissioner Ricardo David sa puwesto kahit nakatakos ang Reyes brothers sa tulong ng dalawang empleyado ng immigration.
Ani Yap, kung may natitira pang delikadesa si David, hindi niya isasangkalan sina President Benigno Aquino at De Lima sa eskandalong ito. Command responsibility umano ni David ang naganap na pagtakas at kung may delicadeza ito, kusa na siyang magbitiw sa puwesto.
Sa nakaraang anibersaryo ng Bureau of Immigration ay sinermonan pa ni Pangulong Aquino ang mga opisyales nito dahil sa pagtakas ni Korean fugitive Kim Tae Dong at Reyes brothers. Personal na inasikaso at tumulong si Yap sa kaso ni Ortega mula pa nang patayin ito noong Enero 2011. (Nenet Villafania)