
ILIGAN CITY (Mindanao Examiner / Jan. 20, 2013) – Isang ahente na umano’y may kinalaman sa large scale swindling ni Coco Razuman ang pinatay sa Marawi City sa lalawigan ng Lanao del Sur, ayon sa militar.
Sinabi ni Brig. Gen. Daniel Lucero, commander ng 103rd Infantry Brigade, na may isinasagawang imbestigasyon ang mga awtoridad sa pagkakapatay sa biktima, ngunit may ulat na isa ito sa mga ahente ni Razuman na ngayon ay nahaharap sa ibat-ibang kaso kaugnay sa swindling.
“May napatay na isang lalaki na tinuturong ahente ni Coco Razuman at may investigation na ang mga awtoridad diyan upang malamang kung sino ang pumatay sa kanya,” ani Lucero sa Mindanao Examiner.
Si Razuman ay sumuko nuong nakaraang buwan sa National Bureau of Investigation dahil sa mga reklamong estafa at swindling laban sa kanya.
Inamin ni Razuman na nag-invest rin siya sa Aman Futures sa Pagadian City na bumagsak rin matapos ng ilang buwan panloloko nito sa libo-libong investors na pinangakuan ng 50% interest ng kanilang salapi sa loob lamang ng dalawang lingo.
Tumakas na rin sa Sabah ang Malaysian owner ng Aman Futures na si Manuel Amalillo at sumuko naman ang mga Pinoy na kakontsaba nito sa swindling. (Mindanao Examiner)