
KIDAPAWAN CITY (Mindanao Examiner / Oct. 18, 2012) – Isang bomba ang sumabog kaninang umaga sa Tacurong City sa Mindanao, ngunit walang inulat na sugatan o nasawi ang mga awtoridad.
Hindi pa mabatid kung sino ang nasa likod ng pagsabog na naganap pasado alas 7 ng umaga di-kalayuan sa Land Bank of the Philippines. Isang hukay ang iniwan ng malakas na pagsabog, subalit wala naman detalyeng ibinigay ang pulisya at militar ukol sa uri ng bomba.
At hindi rin maipaliwanag ng mga awtoridad kung papaanong naitanim ang bomba sa highway na kung saan ito iniwan. Posibleng test mission lamang ito upang mabatid kung gaano kahanda o ano ang butas sa siguridad ng pulisya sa Tacurong.
Iniimbestigahan pa umano ng mga awtoridad ang pagsabog at kung ano ang motibo at sino ang nasa likod nito.
Hindi matiyak kung may koneksyon ang pagsabog sa peace pact sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front rebels.
Unang nagbanta ang karibal na Moro National Liberation Front na posibleng magdulot ng kaguluhan ang peace deal dahil mabubuwag nito ang Autonomous Region in Muslim Mindanao upang magbigay daan sa Bangsamoro autonomous region. (Mindanao Examiner)