
MANILA (Mindanao Examiner / Nov. 25, 2013) – Nanawagan sa pamahalaang Aquino ang media group Alab ng Mamamahayag na buwagin na lamang ang Task Force Usig ng Philippine National Police at Task Force-211 ng Department of Justice dahil wala umano itong nagawa laban sa mga media killers.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, sa halip na makatulong ay nakagugulo pa ang PNP-TF USIG dahil sa pagbibigvay nito ng kung anu-anong komentong hindi pinag-iisipan.
Para kay Yap, hindi seryoso ang administrasyon ni Presidente Benigno Aquino sa pagresolba sa mga kaso ng pagpatay sa media. Sa loob ng apat na taon, ang itinuturing na pinakamalaking pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag ng bansa, ang Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009 ay hindi pa nareresolba.
Sa nasabing massacre, 54 katao ang walang awang pinatay kung saan kasama ang 32 journalist at media practitioners. Gayunman, itinuturing ito ng PNP-TF USIG na hindi work-related violence kundi election related violence lamang dahil hindi umano sila ang target ng mga killers kundi ang kandidato.
Ayon kay Police Senior Inspector Al Paglinawan, ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management and Task Force Usig, nadamay lamang ang media men kaya nakasama sila sa mga pinatay.
“Inutil naman pala ang Task Force Usig, bakit hindi pa buwagin?” tanong ni Yap. “Wala silang focus sa pagresolba ng pagpatay sa media. Ilang ulit na iyan sa panahon ni PNoy. Paulit-ulit, walang nangyayari. Malalaki at may koneksyon ang mga mastermind kaya hindi nila magalaw.”
Matatandaang inamin ni Paglinawan na wala silang gaanong magawa sa mga kaso ng media killings dahil nanlalamig na ang mga imbestigasyon dahil sa kawalan ng kakayahan ng nga pulis sa paghawak ng ganitong mga kaso. Wala rin umano silang sapat na training para ingatan ang mga nakukuha nilang ebidensya.
Sinabi pa ni Paglinawan na mula nang hawakan nila ang mga kaso ng media killings ay nakapagtala na sila ng 43 work-related cases, kung saan 32-74% nito ay naisampa sa korte, 8-19% ang cold cases, 2 kaso ang sarado na at 2 kaso ang iniimbestigahan pa.
Hindi naman tumutugma sa nasabing bilang ang nakatala sa ALAM at National Press Club of the Philippines.
Sa suma ng buong mundo, ikatlo na ang Pilipinas sa pinakadelikadong lugar para sa mga mamamahayag kung saan ang nangunguna ay ang Iraq at pangalawa ang Somalia dahil sa dami ng hindi nareresolbang kaso ng media killings.
Ani Yap, nangangahulugan lamang ito ng kawalan ng commitment ni Aquino Administration para maresolba ang nasabing mga pagpatay. (Nanet Villafania)