

DAVAO CITY – Pinasinayaan na kamakailan ang The Duterte Manifesto sa mismong compound kung saan naroon ang House of Hope na siyang pangunahing makikinabang sa kikitain ng naturang aklat.
Ang Duterte Manifesto ay binubuo ng mga banat at talumpati ng Presidente Rodrigo Roa Duterte at ang mga aral na natututuhan mula rito. Tinipon ito ni Khuey Garces at ang book design naman ay ginawa ni Noel Avendano.
Ang House of Hope ay tirahan ng mga kabataang biktima at nakikipaglaban sa sakit na cancer.
Ang House of Hope ay proyekto ng Rotary Club of Waling-Waling at Davao Children’s Cancer Fund Inc. sa Davao City. Hindi lamang ang mga kabataang may cancer ang sinusuportahan ng mga ito kundi maging ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tirahan na matutuluyan sa buong panahong ginagamot ang pasyente.
Umaabot sa hanggang isang taon at higit pa ang pamamalagi ng mga pamilya ng mga may sakit sa House of Hope na siyang nagsisilbing “home away from home” ng mga nakikipaglaban sa cancer at sa mga nag-aalaga sa kanila.
Hindi karaniwang tulong at pag aaruga ang ginagawa ng mga boluntaryong naglilingkod sa House of Hope at karamihan sa kanila ay nagmula sa iba’t-ibang panig ng Mindanao.
Isa sa pangunahing sumusuporta sa mga kabataang biktima ng sakit ay ang Pangulong Duterte sa panahon ng kaniyang paglilingkod sa Davao City bilang Alkalde.
Ang Duterte Manifesto ay mabibili sa National Book Store sa buong bansa sa halagang P149. Mapupunta sa House of Hope ang kikitain ng nasabing aklat. (Malou Cablinda)
Like Us on Facebook: https://web.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper