Bayolente ang reaksyon ng publiko sa “pagmumura” ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kay Pope Francis at sa pag-amin niya ng pagkakaroon ng mga babae.
May mga nagsabi na hindi karapat-dapat iboto at mahalal na pangulo ng Pilipinas si Duterte dahil sa asal na ipinakikita nito, pero marami pa rin ang nagtatanggol sa kanya at naniniwala na magiging mahusay siya na lider.
Kasing-lutong ng pagmumura ni Duterte ang mga mura sa kanya ng mga tao na kinokondena ang kawalan niya ng respeto kay Pope Francis. Nalilimutan ng Duterte haters na wala rin silang ipinagkaiba sa presidential candidate na hinuhusgahan dahil sa kanilang pagmumura.
Sa mga showbiz personality, sina Robin Padilla at Fanny Serrano ang lantaran ang pagsuporta sa presidential bid ni Duterte.
Hindi pa nagbibigay ng reaksyon si Robin tungkol sa mga smear campaign laban kay Duterte pero nag-share na si Fanny ng mga pagkukumpara sa controversial Davao City mayor at sa mga bayani na sina Dr. Jose Rizal at Heneral Antonio Luna na biglang nakilala ng mga kabataan dahil sa filmbio niya.
Tulad nina Rizal at Luna, hindi umano perpekto si Duterte pero hindi sila nagkulang sa paglilingkod sa bayan.
Babaero, lasenggero, madaling magalit, sumpungin at base sa pelikula, marunong daw magmura si Luna samantalang isang mason na kinalaban at hindi tinanggap ng Catholic Church, siyam ang mga babae na nakarelasyon, sumpungin at madali ring magalit si Rizal.
Mismong ang mga supporter ni Duterte ang nagkumpara sa kanya kina Rizal at Luna para i-justify ang kahinaan niya dahil palagi siyang nagmumura, minura pati ang Santo Papa, apat ang babae, madaling magalit at sumpungin, lalo na sa mga kriminal.
Amusing ang comparison sa tatlo pero ang malakas na epekto ng Heneral Luna sa mga Pilipino ang mapapansin natin dahil muling napatunayan na powerful medium sa mass communication ang pelikula, sa kabila ng matagal nang prediksyon na dying na ang movie industry.
Dati-rati, walang nakakilala kay Heneral Luna hanggang ipalabas ito sa mga sinehan noong September 9, 2015.
Dahil sa positive reviews at word of mouth, umabot na sa mahigit sa P208 million ang box office gross ng Heneral Luna na mahina ang kita sa unang linggo nito sa mga sinehan kaya hindi inasahan na magtatagal.
Ginagamit na rin si Heneral Luna sa campaign speeches ng mga kandidato sa May 2016 elections dahil siya raw ang inspirasyon nila sa paglilingkod sa bayan.
Going back to Duterte, sinabi nito sa live interview sa Aksyon Tonite ng TV5 na handa siya na i-withdraw ang kanyang presidential candidacy kung nasaktan si Pope Francis at hindi mapapatawad ng pinakamataas na pinuno ng Simbahang Katoliko ang pagmumura niya.
“If you think that I have offended which are never really, in the first place not meant to do it, kung hindi ninyo ako mapatawad, the hierarchy o ‘yung Vatican, sabihin ninyo, we are offended and we demand that you withdraw from the presidential contest, I will tomorrow withdraw. Walang problema, ‘yung sinasabi na bastos ako at hindi dapat ako presidente, I will withdraw.
“Ako kasi kung magsalita puro mura. Talagang pinahirapan and then, we want the Pope to be safe but the way its being handled, you are really imposing endurance on the people.
“I am willing to withdraw. Ask the Catholic Church. Pag sinabi ni Pope, nasaktan siya. Go ahead, I’m willing to withdraw tomorrow. I will sign the withdrawal. I answer for my deeds if it’s indeed a misdeed but it was just part of my tongue,” ang pahayag ni Duterte na pinigilan ang sarili na magmura sa telebisyon.(Jojo Gabinete)
Link: http://www.abante.com.ph/ent/showbiz-column/the-source/38674/the-source-duterte-humamig-ng-mura-sa-pagmumura-kay-pope-.html