Ihahatid ngayong umaga si German “Kuya Germs” Moreno sa kanyang himlayan sa Loyola Memorial Park, Marikina City pagkatapos ng 9:00am mass.
Mula sa Our Lady of Mount Carmel Shrine, dinala kahapon ang labi ni Kuya Germs sa Studio 7 ng GMA Network Center para sa isang gabi ng lamay sa kanyang home studio, pero idinaan muna siya sa Sampaguita Pictures Studio at sa tahanan niya na parehong matatagpuan sa Valencia Street, Quezon City.
Isang misa at necrological service ang inialay ng mga anak ng producer ng Sampaguita Pictures (Manay Marichu Vera Perez-Maceda, Congresswoman Gina de Venecia at Lilibeth Nakpil) para kay Kuya Germs noong Martes nang gabi.
Si Dr. Jose Perez, ang producer ng Sampaguita Pictures, ang nagbigay kay Kuya Germs ng malaking oportunidad para matupad ang pangarap niya na maging artista mula sa pagiging telonero at janitor ng Clover Theater.
Dumalo sa misa at necrological service ang mga artista na kasamahan noon ni Kuya Germs sa Sampaguita Pictures gaya nina Gloria Romero, former Senator Ramon Revilla Sr., Romeo Vasquez, Eddie Gutierrez, Pepito Rodriguez, Boy Alano at ang direktor na si Emmanuel Borlaza.
Naroroon din sina Boots Anson–Rodrigo, Marita Zobel, Chanda Romero, Elizabeth Oropesa, Ernie Garcia, Snooky Serna, Annabelle Rama, Ruffa Gutierrez et al.
Sa kanilang tribute kay Kuya Germs, nagbalik-tanaw sina Gloria, Mang Ramon, Pepito, Eddie at Romeo tungkol sa masasayang araw nila sa Sampaguita Pictures at ang kanilang malalim na pakikipagkaibigan kay Kuya Germs.
Kahit hirap sa pagsasalita at nakaupo sa wheelchair, naikuwento ni Mang Ramon ang pagsisimula ng showbiz career niya sa Sampaguita Pictures, ang kanyang panliligaw sa isa sa mga anak ni Dr. Perez, ang friendship nila ng sumakabilang-buhay na kakontemporaryo at ang stroke na naranasan, pitong taon na ang nakararaan.
Naging emosyonal si Boy Alano nang magsalita ito tungkol kay Kuya Germs. Sina Boy at Kuya Germs ang Wally Bayola at Jose Manalo ng Sampaguita Pictures.
Hindi napigilan ni Boy na mapaiyak habang ikinukuwento nito ang walang katapusang pagtulong sa kanya ni Kuya Germs na binigyan siya ng sasakyan.
Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Boy sa opisina ni Manila City Mayor Isko Moreno. Si Kuya Germs ang tumulong kay Boy para magkaroon ito ng trabaho, kahit senior citizen na siya.
Pinasalamatan ni Eddie Gutierrez si Kuya Germs dahil ito ang tumulong sa kanyang anak na si Ruffa Gutierrez para maging artista. Isa si Ruffa sa popular at controversial members ng That’s Entertainment, ang youth-oriented television show ni Kuya Germs sa GMA 7.
Maning, binuking ang edad ni Kuya Germs…
Ang direktor na si Emmanuel “Maning“ Borlaza ang nagbuko na isyu para kay Kuya Germs ang edad. Ikinuwento ni Direk Maning na inililihim ni Kuya Germs ang real age dahil sa tuwing tinatanong sa television host ang edad nito, “same as yesterday” ang consistent na sagot.
Nang mamatay si Kuya Germs noong January 8, nalaman tuloy ni Direk Maning na matanda sa kanya ng isang taon ang age-conscious na starbuilder.
Nagbibiro na nag-sorry kay Kuya Germs ang direktor dahil nadiskubre ng lahat ang kanyang tunay na edad nang bawian siya ng buhay.
Kuya Germs, naging member ng ‘Dagdag-Bawas’!
Kinumpirma ni Federico Moreno, ang nag-iisang anak ni Kuya Germs, na isyu sa kanyang ama ang edad nito.
May malaking rebelasyon si Federico sa huling gabi ng burol ng tatay niya sa Our Lady of Mount Carmel Shrine noong Martes.
Ipinagdiwang ni Kuya Germs sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila ang kanyang 50th showbiz anniversary noong April 2013.
Dumalo sa naturang okasyon ang lahat ng mga artista na naging bahagi ng makulay na buhay at entertainment career ni Kuya Germs.
Nagpunta kami sa Newport Performing Arts Theater para panoorin ang tribute kay Kuya Germs, ang 50 Years With The Master Showman at pumila kami para papirmahan sa kanya ang libro tungkol sa buhay niya kaya isyu ang rebelasyon ni Federico na 60 years na ang kanyang ama sa showbiz noong 2013 pero dahil inililihim nito ang tunay na edad, ang 50th anniversary sa showbiz ang ipinagdiwang ni Kuya Germs.
Natawa ang lahat sa big reveal ni Federico na isang kumpirmasyon na naging miyembro ng dagdag-bawas si Kuya Germs dahil sa kagustuhan nito na itago ang totoong edad.(Jojo Gabinete)
LInk: http://www.abante.com.ph/ent/showbiz-column/the-source/40665/the-source-ramon-sr-boy-alano-eddie-gloria-emotional-sa-burol-ni-kuya-germs-.html