
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Feb. 24, 2014) – Isang mataas na lider ng Moro Islamic Liberation Front ang dinakip ng pulisya sa Cotabato City sa Mindanao, ngunit agad rin itong inalmahan kahapon ng rebeldeng grupo na may peace talks sa pamahalaang Aquino at sinabing labag ito sa cease-fire agreement.
Sinabi ng MILF na hawak ng mga awtoridad ngayon si Ustadz Wahid Tundok at ilan sa mga tauhan nito matapos na masakote sa isang checkpoint sakay ng kanyang pick-up truck. “The arrest is illegal because there is a cease-fire agreement between the MILF and the Philippine government,” ani MILF Vice Chairman Mohagher Iqbal, na siya rin chief peace negotiator ng nasabing grupo.
“This needs to be resolved immediately and we are bringing this issue to the highest level of government because we don’t want this issue to affect the peace process,” ani Iqbal sa panayam ng Mindanao Examiner.
Galing umano si Tundok sa MILF meeting sa Camp Darapanan sa bayan ng Sultan Kudarat at pabalik sa kanyang kampo ng maharang ng mga parak. May hinala si Iqbal na posibleng na set-up si Tundok dahil nabantayan umano ang kilos nito. “This could be a set up by those who are opposing the peace process,” wika pa nito.
Sinabi ni Iqbal sa isa umanong tapat na lider si Tundok at suportado nito ang peace talks ng MILF sa pamahalaang Aquino. Ayon kay Iqbal, isa pang commander ng MILF – si Yusoph Kusain – ang pinatay ng pulisya sa bayan ng Datu Paglas sa Maguindanao kamakailan matapos diumano ng isang shootout. Nagsisilbi ng warrant of arrest ang pulisya kay Kusain ng manlaban umano ito.
Ayon naman sa pulisya at militar ay maraming kasong kriminal si Tundok at iniuugnay rin ito kay Ustadz Ameril Umra Kato, na siyang pinuno ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement at ng armed wing nitong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, na diumano’y nasa likod ng maraming atake sa Mindanao.
Ngunit itinanggi naman ito ng grupo ni Kato. “Hindi namin kasapi si Ustadz Tundok at siya ay isang MILF commander,” ani Abu Misry Mama, ang spokesman ng BIFF, sa hiwalay na panayam ng Mindanao Examiner.
Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines na bibigyan ng sapat na proseso ng batas si Tundok. “This is part of an effort to bring before the bar of justice those charged of criminal acts so they will be accorded due process of law. The Armed Forces of the Philippines are exerting all efforts toward just and lasting peace in Mindanao. The rule of law must prevail,” wika ni Brig. Gen. Domingo Tutaan, ang AFP spokesman, sa panayam ng Mindanao Examiner.
Ang MILF ay nakikibaka para sa karapatan ng mga Muslim sa bansa. (Mindanao Examiner)