
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Dec. 26, 2013) – Pabor ang maraming mga opisyal at sundalo ng militar kay Lt. Gen. Ricardo Rainier Cruz III bilang bagong hepe ng Philippine Army kung ito’y mapipili bilang kapalit ni Gen. Noel Coballes.
Magreretiro na si Coballes sa Pebrero at napupusuan ng militar sa Mindanao si Cruz, na dating hepe ng 1st Infantry Division sa Western Mindanao at ngayon ang tumatayong pinuno ng Eastern Mindanao Command na naka-base sa Davao City. Hawak ni Cruz ang kalahati ng puwersa ng militar sa Mindanao.
Maraming accomplishment si Cruz, na isang dekoradong opisyal sa Mindanao, sa larangan ng peace and development at sa ilalim ng kanyang pamumuno ay marami itong napasukong mga rebelde.
“Pabor kami kay General Cruz dahil bukod sa magaling at matino at walang bahid ng anumang eskandalo at subok na namin si General Cruz at talagang masipag,” ani pa ng isang sarhento sa Pagadian City na kung saan galing si Cruz.
Kilalang tahimik si Cruz at suportado nito ang lahat ng programa ng pamahalaang Aquino na may kinalaman sa peace process sa Mindanao. Miyembro si Cruz ng PMA Class 1980. (Mindanao Examiner)