
DAVAO CITY (Mindanao / May 26, 2012) – Isa ang nasawi at 13 iba pa ang sugatan at nasaktan matapos na magsalpukan kahapon ang isang truck at pampasaherong jeep sa lungsod ng Cabdabaran sa Agusan del Norte province sa Mindanao.
Ayon sa ulat ng pulisya ay naganap ang aksidente bago mag alas-2 ng umaga sa Barangay Sanghan at patay agad ang driver ng truck na nakilalang si Alfredo Lo dahil sa tinamo nitong pinsala sa katawan.
Nabatid pa sa imbestigasyon ng pulisya na nag-overtake umano ang truck ni Lo, ngunit huli na ng makita ang paparating na bus na minamaneho naman ni Manuel Redondo.
Patungo ang bus sa lungsod ng Butuan mula Surigao province at sa Cabadbaran naman ang ruta ng truck na nagmula sa lungsod ng Cagayan de Oro, ayon pa sa pulisya.
Kabilang sa mga sugatan ay isang 7-anyos na bata na nakilalang si Rachelyn Ando. (Mindanao Examiner)