
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / May 3, 2012) – Inireklamo na naman ng mga residente ng Zamboanga City ang maruming tubig na lumalabas mula sa kanilang mga gripo at ito’y ay madalas sa tuwing matatapos ang malakas na ulan.
Ang Zamboanga City Water District (ZCWD) ang siyang nagsu-supply ng tubig sa naturang lugar at marami na kaso na kung saan ay isinugod sa pagamutan ang mga bata dahil sa diarrhoea.
Hindi naman direktang masagot ng ZCWD ang reklamo dahil kailangan ay mainspekyon pa muna ang lugar upang mabatid kung ano ang dahilan nito. Ito rin ang madalas na dahilan ng naturang kooperatiba sa mga reklamo ng residente.
“Kailangan ay puntahan muna ang lugar upang malaman natin ang dahilan ng maruming tubig at baka may leaking ang tubo ng consumer. At baka coincidence lamang na malakas ang ulan at marumi ang tubig sa gripo,” ani Dolly Galvan, ang tagapagsalita ng ZCWD.
Ngunit may hinala ang mga residente na ang leaking sa tubo ay mula sa ZCWD dahil madalas ito sa tuwing malakas ang ulan. Matagal na rin reklamo ito ng mga residente at marami na rin ang napilitang bumili ng mineral or purified water dahil sa peligrong dala ng mga mikrobyo sa tubig. (Mindanao Examiner)