KIDAPAWAN CITY — Napatay ang isang 24-anyos na ‘tulak droga’ ng manlaban matapos na arestuhin ng mga otoridad habang dalawa naman ang nadakip sa inilatag na magkahiwalay na anti-drug operation na ikinasa ng operatiba ng pulisya sa Kidapawan City, North Cotabato.
Kinilala ang nasawi na si Ryan Andal na residente ng Sunrise Extension, Poblacion, Kabacan, North Cotabato na sinasabing nanlaban sa mga otoridad matapos na matunugan ng suspek na undercover agent ng PDEA ang ka-transaksiyon sa isang lodging house sa Purok 6, Barangay Lanao ng lungsod, alas-6:45, Martes ng gabi.
Ayon sa isang operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) mula sa Region 12, alas-tres pa lang ng hapon ng Martes ay sinusundan na nila si Andal habang minamaneho nito ang kanyang kulay puti na Fortuner.
Na-monitor raw nila ang pagbebenta ni Andal ng Droga sa isang iskinita ng Lungsod.
Pero na’ng pumasok na si Andal sa Double R Lodging House sa may Barangay Lanao para doon katagpuin ang kanyang ka-transaksiyon ay natunugan na raw nito na sinusundan siya ng mga pulis.
Dito na raw bumunot ng baril si Andal pero naunahan na siya ng mga pulis.
Patay noon din si Andal dahil sa tama na tinamo nito sa ulo at sa dibdib, ayon sa report ng PDEA.
Na-recover mula kay Andal ang isang pistola, ilang gramo ng shabu, at mga drug paraphernalia.
BANDANG alas-4 ng umaga, kahapon (Sept 5, Miyerkules), ikinasa naman ng mga operatiba ng RPDEU-12 ang sabayang paghalughog o search sa mga bahay nina ex-barangay kagawad William Apoluna at si Renato Malimit, Sr Brgy. Kagawad sa lugar.
Sinabi ng RPDEU-12, nasa watchlist nila sina Apoluna at Malimit na umano sangkot sa bentahan ng shabu at pag-iingat ng mga armas.
Nakuha sa pag-iingat ni Apoluna ang isang granada, isang pistol at maraming bala habang ilang gramo naman ng shabu ang nakuha mula kay Malimit.
Agad na inilagay sa kustodiya ng Kidapawan City PNP ang dalawa habang inihahanda ang mga kaso na isasampa kontra sa kanila. Rhoderick Beñez with report from Randy Patches