
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 22, 2014) – Ito ang karaniwang tanawin sa Zamboanga City central market na kung saan ay sinasamantala ng mga mamimili ang murang halaga ng mga bilihin.
Mula sa mga segunda-manong sapatos, bags at kung anu-ano pa ay matatagpuan dito, bagama’t sa gabi lamang ito maaaring makita dahil sa tuwing araw ay hindi sila pinapayagang humarang sa gitna ng mga kalsada. Ngunit sa araw ay matatagpuan sa looban ng palengke ang mga ukay-ukay stalls.
Bukod sa murang halaga ay imported ang mga ito mula sa ibat-ibang bansa – Japan, United Kingdom, US at iba pa – at sa halagang P100 ay mabibili mo na ang iyong paboritong sapatos – pambabae man o panlalaki. Nagkakahalaga naman ng P50-P100 ang mga imported na handbags o shoulder bags na pambabae.
Maging ang mga t-shirt, pantalon at short pants, jacket, kumot, kortina, carpet at lahat na yata ng uri ng kung anu-anong mga damit ay matatagpuan dito na mistulang paraiso sa mga taong hindi kayang bumili ng mga mamahalin sa malls.
Sa halagang P40 ay makakabili na ng mga magagarang short pants ng kilalang brand, at sa P5 ay maaari ng makabili ng damit pang-bata.
Maging mga taong may kaya sa buhay ay malimit rin makita sa mga ukay-ukay shops at ang iba nga ay bitbit pa ang kanilang mga katulong. Sa hirap ng buhay ay mistulang pantay-pantay ang antas ng mga taong nahuhumaling sa ukay-ukay.
Sa Zamboanga ay dalawang malalaking ukay-ukay lamang ang maaaring puntahan – isa dito sa central market at ang ikalawa ay sa Santa Cruz market na kung saan ay mura rin ang mga bilihin. (Mindanao Examiner)