BILANG patunay sa mga pangunahing proyekto na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Ipil, katuwang ang iba-t-iabang ahensiya ng gobyerno, ipinahayag kamakailan ni Mayor Anamel C. Olegario ang kanyang pangalawang “Ulat sa Bayan” na idinaos sa Municipal Covered Court ng Ipil.
Dinaluhan ito ng mga lokal na opisyales, representante mula sa mga national government agencies, mga guro, empleyado ng munisipyo, civil society organizations, business sector at concerned citizens.
Ilan sa mga proyektong ipinatupad ni Mayor Olegario ay ang P2.5 million para sa National Greening Project ng pamahalaan, P12 million sa Doña Josefa Watershed Small Water Impounding System at P2.1 million mula sa National Anti-Poverty Commission.
Nagbigay naman ng solar dryer na nagkakahalaga ng P300,000 at P600,000 assistance para sa mga mangingisda ang lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka.
Tungkol naman sa pangkalusugan, patuloy ang pagsuporta ng munisipyo sa malawakang implementasyon ng serbisyo medikal para sa mga Ipilenos lalo na sa mga buntis at mga bata.
Layunin din ng lokal na pamahalaan na maisagawa ang bagong Multi-purpose Building, amenities, landscaping at site development para sa bagong Ipil Municipal Hall na itatayo sa Barangay Taway.
Maliban dito, pinaigting din ang anti-rabies program, animal vaccination at pagbibigay tulong sa mga rubber farmers at persons with disability (PWD).
Sa taong 2018, umabot ng P338 milyong piso ang pondo mula sa Department of Public Works and Highways na ginastos para sa iba’t-ibang road projects.
Masaya ang mga dumalo mula sa iba’t ibang ahensya at nakinig sa State of the Municipality Address 2019 dahil sa mga nagawang proyekto ng lokal na pamahalaan.
Hinikayat ng alkalde na makiisa ang lahat sa pagsisikap upang patuloy na may mga proyektong maisagawa at makakuha ng pondo mula sa national government para sa ikabubuti ng ekonomiya ng bayan ng Ipil na may malaking posibilidad na maging siyudad sa di malayong panahon. (By Rhea Grace La Plana)