ZAMBOANGA CITY – Isang lalaki ang pinaghahanap ng mga awtoridad matapos na akusahang umabuso sa sariling apo na menor-de-edad sa Zamboanga City.
Inireklamo ng ina ng biktima si Edwin Angeles – na anak ng kanyang lolo na si Efren Angeles na isang tricycle driver – at kapit-bahay lamang ng biktima sa Don Alfaro St., sa Barangay Tetuan.

Nasa mahigit 30 anyos lamang si Edwin na nagtatrabaho sa planta ng Pepsi Cola ng maganap diumano ang pangaabuso. Hiwalay ito sa asawa.
Ayon sa reklamo ng ina sa pulisya at sa pahayag ng batang babae ay maraming beses umano siyang inabuso ni “Uncle” Edwin at sa ilang pagkakataon ay dinala pa ito sa damuhan ng mga bakanteng lote.
Nabatid na si Edwin ang pinagkatiwalaan ng pamilya ng biktima dahil sa pagiging kamag-anakan nito at kapit-bahay sa Dona Fermina Compound. Ito rin diumano ang sumusundo sa biktima sa paaralang elementarya sa Barangay Tetuan gamit ang kanyang motorsiklo, at sa mga pagkakataong pauwi sila sa bahay ay doon nito inabuso ang bata, ayon pa sa reklamo ng ina.
Sinabi pa ng bata sa kanyang pahayag sa pulisya, na gumagamit diumano ng shabu si Edwin at pinagbantaang papatayin kung magsusumbong ito sa kanyang pamilya.
Nabatid pa sa ina ng biktima na inalok pa raw ni Edwin ang pamilya ng bata na makipag-ayos at ibibigay na lamang nito ang kanilang kapirasong lupa at bahay bilang danyos sa kaso, subali’t hindi naman ito tinanggap ng ina ng biktima.
Nais umano ng pamilya ng bata na makulong habang-buhay si Edwin upang pagbayaran nito ang ginawang pangaabuso at pagwasak sa kinabukasan ng menor-de-edad. Ilan taon rin umanong inabuso ni Edwin ang bata, pahayag pa ng ina sa kanyang reklamo na inihain noong nakaraang taon.
Hindi makunan ng pahayag ang suspek ukol sa mga alegasyon dahil tumakas na umano si Edwin at nagtatago dahil sa posibleng kaso ng “statutory rape” na walang piyansa sa korte. Hinihinalang may nagpatakas kay Edwin at hinimok na magtago na lamang upang hindi ito makulong. May mga balitang nagtatago ito sa Basilan, Zamboanga del Norte, Davao o Bohol.
Tikom rin ang bibig ng ama ng suspek na kasama ni Edwin sa bahay na tila walang nangyaring krimen.
Ayon sa talakayan ng programang “Usapang de Campanilla,” ang statutory rape ay nangyayari kung hinalay ang isang batang may edad 12 anyos pababa. At kalimitang alibi ng mga suspek ay consensual ang naganap.
Sinabi ni Atty. Noel del Prado: “Kasi ‘yung karaniwang depensa ay ito ay consensual, pumayag. Ang sinasabi ng batas, ang batang edad 12 pababa, hindi kayang magbigay ng consent dahil siya ay nasa murang edad.”
Sinabi pa nito – for the sake or argument – na kahit na pumayag ang biktima na makipagtalik ay maituturing pa rin ito na panggagahasa. Mas mabigat din ang parusa sa statutory rape dahil maaaring masentensiyahan ng reclusion temporal hanggang reclusion perpetua ang nagkasala. Nasa 17 hanggang 20 taong pagkakakulong ito.
Kung nasa 7 anyos o mas bata naman ang biktima, puwedeng masentensiyahan ng madantory reclusion perpetua o habangbuhay na pagkakakulong ang suspek, ayon kay Del Prado. Dati ay pumapasok ang ganitong krimen sa maaaring mapatawan ng dealth penalty. Ngunit wala nang death penalty sa Pilipinas.
Sinabi pa ng ina ng biktima na muntik na umanong masiraan ng bait ang bata dahil sa trauma na sinapit sa kamay ni Edwin. Nagkaroon pa ng pagkakataong umakyat sa bubungan ng bahay ang bata na tila wala sa katinuaan at ilang buwan rin itong hindi pumasok sa paaralan at laging walang ganang kumain at balisa.(Mindanao Examiner)