
SULU (Mindanao Examiner / June 7, 2014) – Hindi umano nirespeto ni US Ambassador Philip Goldberg ang ‘unwritten’ protocol ng ito’y magtungo sa bayan ng Jolo sa Sulu province upang bisitahin ang mga tropang Kano sa kanilang kampo doon.
Kasama ni Goldberg ang mga opisyal ng US Embassy at iba pang mga VIPs ng ito’y magtungo doon nitong June 2. Mistulang nabastos umano ang mga opisyal ng pamahalaan doon ng hindi man lamang nagpakita si Goldberg upang magbigay ng kanyang respeto.
Ang Jolo ay siyang kinalalagyan ng isa sa mga kampo ng Joint Special Operations Task Force-Philippines na may headquarters sa Western Mindanao Command sa Zamboanga City. Dinalaw ni Goldberg ang mga Kano sa naturang kampo sa loob ng marine brigade headquarters.
Ayon sa ilang sources ng Mindanao Examiner ay naghintay at pinaghandaan umano ang mga opisyal ng malamang darating si Goldberg, subali’t inisnab umano nito ang protocol. Mistulang nainsulto umano ang mga opisyal sa magaspang na asal na ipinakita ni Goldberg ng hindi man lang ito nagbigay pugay sa Jolo at maging sa pamahalaan ng Sulu na siyang host sa kampo ng mga Kano.
Inihalintulad naman ng isang opisyal ng pamahalaan si Goldberg sa isang pusa na pumasok sa bahay at matapos na kumain ay lumabas rin. “Para siyang pusa na pumasok sa bahay at ng makakain ay lumabas agad. Di ba ganyan ang mga pusa, walang respeto?” sambit pa nito sa Mindanao Examiner.
Sa mga nakaraan ay palaging binibisita ng nakalipas na US ambassadors na sina Kristie Kenny at Harry Thomas ang mga opisyal ng Jolo at Sulu sa tuwing magtutungo sa lalawigan. Hindi pa mabatid kung bakit hindi inisnab ni Goldberg ang nasabing protocol.
Ayon naman sa isang opisyal ng militar na bumuling sa Mindanao Examiner ay ilang oras rin nagtagal si Goldberg at kinausap nito ang mga commander ng pulisya at ng marines, at gayun rin ang mga tropang Kano. Nakipag-usap rin ito sa mga dating exchange students na Muslim na na pinapunta sa kampo ng marines upang makita ni Goldberg.
Ang pagtungo sa Sulu ni Goldberg ay sa kabila ng US travel warning sa lalawigan.
Maraming mga Muslim ang ayaw sa pananatili ng mga Kano sa Sulu, partikular sa bayan ng Jolo, dahil sa malalim na sugat na iniwan ng mga Kano noon panahon ng pananakop dahil sa pagmasaker ng mga ito sa napakaraming mga Muslim – bata, babae at matanda – sa binansagang “Bud Dajo Masscare”.
Nasa Jolo ang mga tropang Kano at nagbibigay ng intelligence sa mga sundalong Pinoy ukol sa Abu Sayyaf at Jemaah Islamiya. (Mindanao Examiner)