
ZAMBOANGA CITY – Sampung katao ang sugatan matapos na bumaligtad ang isang van at mahulog ito sa bangin sa isang barangay sa Zamboanga city.
Sinabi ni Inspector Dahlan Samuddin, ang tagapagsalita ng pulisya, na dalawa sa mga sugatan – sina Ednalyn de Guzman, 21, at Gyneth Lustria, 15, – ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa tinamong pinsala sa katawan.
Ang ibang sugatan ay nakilalang sina Celso Sedigo, 51; Thomas Seiton, 42; Jesus Seiton, 48; Nonito Seiton, 46; Arjan Seiton, 10; Gina Balunsay, 46; Elma de Guzman, 52; at Josephine Lustria, 50.
Nabatid na galing ang van sa Zamboanga Sibugay province at pabalik ng Zamboanga city ng mawalan ng kontrol ang driver nito kung kaya’t bumaligtad ito sa highway at gumulong sa bangin nitong gabi ng Martes.
Isa pang Toyota Hilux Pick-up truck na minamaneho ni Moner Sailela ang nawalan rin ng kontrol sa lugar at inararo nito ang 3 nakaparadang motorsiklo sa dakong kurbada ng highway na noon ay madulas dahil sa ulan.
Galing sa bayan ng Siocon sa Zamboanga del Norte si Moner at patungo sa Zamboanga city ng maganap ang aksidente. (Mindanao Examiner)