NORTH COTABATO – Tatlo katao ang naiulat na nasawi habang 3 rin ang sugatan matapos araruhin ng isang van ang isang motorsiklo sa highway sa Barangay Bukay Pait sa bayan ng Tantangan sa South Cotabato kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Senior Insp. Reden Crisologo, hepe ng Tantangan police office, ay agad nasawi ang driver ng motorsiklo na si Danny Panting, residente ng Poblacion, at naputol rin ang dalawang paa nito. Patay rin ang mag-amang nakatayo lamang sa gilid ng kalsada na sina Mar Roel at Clarence Panelo. Sugatan naman sina Wilmar Panelo, Anthony Anipan at Vincent Solongon.
Kuha ni Amiel Cagayan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, alas-4:30 ng hapon nitong Biyernes, patungong Koronadal City ang driver ng van nang bigla umanong tumawid ang motorisklo kung saan ito bumangga. Ligtas naman ang driver ng van na si Roger Ascarada mula sa bayan ng President Quirino, ngunit isinugod sa ospital matapos tumaas ang blood pressure.
Pero ayon sa pulisya ay kakasuhan pa rin ng reckless imprudence resulting to multiple homicide si Ascarada. (Rhoderick Beñez)