
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 17, 2012) – Wala pa rin linaw ang pagkawala ng isang beteranong Jordanian journalist at dalawang Pinoy crew nito matapos na pumuslit upang ma-interview ang mga lider ng Abu Sayyaf sa Sulu province.
Si Bakr Atyani, ang Pakistan bureau chief ng Al-Arabiya TV, at ang kasamahang sina Rolando Letrero at Ramelito Vela, ay nawawala mula pa nuong June 12.
Umalis ang mga ito sa kanilang tinutuluyan sa Sulu State College matapos na sunduin ng isang multi-cab dakong alas 5 ng umaga.
Plano umano ni Atyani na gawan ng isang documentary ang Abu Sayyaf na siyang kumukupkop sa teroristang Jemaaah Islamiya sa kabundukan ng bayan ng Patikul.
“Hindi pa natin kung ano na ang nangyari sa kanila at sa kabila ng ating warning sa kanila na huwag umalis ng walang escort ay pumuslit pa rin ang mga ito. Posibleng may ginagawa na silang interview sa mga terorista,” ani Sulu Gov. Sakur Tan sa panayam ng Mindanao Examiner.
Sikreto rin na-interview ni Atyani nuong June 2001 si Al-Qaeda terror leader Osama bin Laden at ang deputy nitong siAyman al-Zawahiri sa Kandahar sa Afghanistan bago ang atake sa World Trade Center sa US.
Ang Al-Arabiya ay isang Arabic-language television news station na inilunsad nuong March 2003 at isa sa mga may-ari nito ay ang Saudi-based Middle East Broadcasting Center.
Inamin naman ni Sulu police chief Antonio Freyra na tinanggihan ng grupo ni Atyani ang ibinibigay na escort ng mga awtoridad at ng pamahalaan. May mga balitang nasa grupo na ni Abu Sayyaf chieftain Yasser Igasan ang grupo ni Atyani. (Mindanao Examiner)