
COTABATO CITY (Mindanao Exminer / Mar. 2, 2014) – Wala pa rin linaw kahapon kung sino ang nasa likod ng pananambang kay Maitum Mayor George Perrett na nasawi matapos itong atakihin sa puso habang ginagamit ang sugat na natamo.
Hindi rin masabi ng militar at pulisya kung may kinalaman ang New People’s Army o ibang grupo sa ambush na naganap kamakalawa ng gabi sa bayan ng Maitum sa Sarangani province. Sugatan si Perrett matapos na tambangan ng mga di-kilalang armado ang sasakyan nito habang pauwi sa bahay mula sa isang programa kasama ang kanyang asawa at isa pang babae na sugatan rin.
“Hindi pa natin masabi ngayon kung sino ang nasa likod ng ambush at ongoing pa yun imbestigasyon diyan,” ani naman ni Capt. Alberto Caber, ang spokesman ng Eastern Mindanao Command, sa panayam ng Mindanao Examiner.
Sa pagkakasawi ni Perrett ay pormal naman na nanumpa si Vice Mayor Pepito Catimbang bilang bagong alkalde ng naturang bayan. Si Councilor Jean Ablog naman ang siyang pumalit kay Catimbang bilang bagong vice mayor sa lugar.
Kamakailan lamang ay inako rin ng New People’s Army ang pananambang sa sasakyan ni Mayor Jaime Mahimpit ng President Roxas sa North Cotabato, na kasama naman sa convoy ng militar at pulisya na siyang target ng mga rebelde.
Tatlong parak na escort ni Mahimpit ang sugatan sa ambush, ngunit sinabi naman ni NPA spokesperson Isabel Fermiza na ang kanilang target ay ang mga sundalo at parak at hindi ang pulitiko.(Mindanao Examiner)