
DIPOLOG CITY (Mindanao Examiner / Jan. 26, 2014) – Hawak na ng pulisya ang dating alkalde ng Dapitan City na si Dominador Jalosjos matapos itong matunton sa Cebu Doctors na kung saan ay magpapa-opera sa kanyang puso.
Matagal ng pinaghahanap ng mga awtoridad si Dominador, na kapatid naman ni convicted rapist Romeo Jalosjos, dahil sa kasong robbery noon pang 1970.
Ipina-aresto si Dominador dahil sa hindi umano nito pagtupad sa kanyang parole at posibleng aabutin pa ito ng halos 2 taon sa bilanguan upang makumpleto ang senstenya ng korte.
Mismong mga kagawad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nagtungo sa pagamutan na kung saan naka-admit si Dominador, ngunit mananatili naman ito doon dahil sa nalalapit nitong operasyon.
Ayon sa kampo ni Dominador ay kusa umano itong nakipag-ugnayan sa CIDG para sa kanyang pagsuko, subali’t hindi naman mabatid kung bakit ngayon lamang itong nagdesisyon na isuko ang saili gayun matagal na itong wanted.
Tumakbo pa si Dominador noon nakaraang halalan bilang gobernador laban kay incumbent na si Antonio Ceriles sa Zamboanga del Sur ngunit nabasura naman ang kandidatura nito dahil sa kaso.
Ito rin ang sinapit ng kapatid na si Romeo ng ito’y tumakbo bilang alkalde sa Zamboanga City dahil sa kanyang sentensyang rape sa isang menor de edad. (Mindanao Examiner)