
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 4, 2014) – Patay ang isang war refugee matapos itong ratratin ng armadong lalaki sa Zamboanga City at blangko pa rin kahapon ang pulisya sa motibo ng pamamaslang.
Namatay sa pagamutan si Rogelio Alejandro, 28, dahil sa tama ng mga bala mula sa .45-caliber pistol. Binaril ito sa Barangay Baliwasan Grande na kung saan pansamantalang naninirahan. Notoryoso ang naturang lugar dahil sa problema ng illegal na droga.
Apat na basyo ng bala ang natagpuan ng mga imbestigador ng pulisya sa lugar na kung saan binaril si Rogelio. Ayon sa mga taga-roon ay nakuha pa umano nitong makatakbo sa bahay na tinutuluyan kung kaya’t nadala agad ito sa pagamutan, ngunit nasawi naman habang ginagamot.
Nabatid sa pulisya na may kinatagpo si Rogelio sa labas ng bahay, ngunit ilang minuto pa lamang ang nakalipas ay sunod-sunod na putok ng baril ang narinig ng mga kapit-bahay at nakita na lamang si Rogelio na nagtatakbo patungo sa kanyang lugar na kung saan ito nawalan ng ulirat.
Hindi mabatid kung ano ang motibo sa pamamaril, ngunit si Rogelio ay kabilang sa mga naapektuhan ng tatlong linggong labanan sa pagitan ng mga rebeldeng Moro National Liberation Front at militar noon Setyembre. (Mindanao Examiner)