
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 10, 2013) – Humingi na ng paumanhin sa media ngayon Huwebes ang Western Mindanao Command matapos nitong ipagbawal ang coverage sa loob ng naturang kampo sa Zamboanga City.
Ito’y matapos na umani ng mga batikos sa media ang pamunuan ng Western Mindanao Command ng ipagbawal rin nito ang coverrage sa tradisyonal na New Year’s Call ng mga opisyal sa kanilang hepe na si Gen. Rey Ardo.
Ang naturang event kamakailan lamang ay isang pagkakataon sa media na makapanayam ang mga ibat-ibang opisyal ng militar sa nasabing rehiyon na kung saan ay talamak ang kidnappings at terrorist attacks.
Inamin naman ni Col. Rodrigo Gregorio, ang tagapagsalita ng Western Mindanao Command, na siya lamang ang nagdesisyon na ipagbawal ang media coverage at wala umanong alam rito si Ardo.
“Pasensya na at ako lang talaga ang nagdesisyon niyan at walang alam si General Ardo ukol diyan,” ani ng opisyal sa pahayagang Mindanao Examiner.
Nagbigay na rin umano ng order si Ardo na ilabas sa media ang mga balita at ulat ukol sa kasalukuyang programa ng militar, ayon kay Gregorio.
Isang media fellowship rin ang ipatatawag umano ni Ardo sa Zamboanga City at magkakaroon na rin ng regular na press briefing at news releases ang Western Mindanao Command.
Nitong Oktubre pa umupo si Ardo bilang hepe ng militar sa Western Mindanao at galing ito sa 6th Infantry Division sa Maguindanao province sa central Mindanao. (Mindanao Examiner)