
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / May 29, 2013) – Lalo pang pinatibay ng Davao City ang ordinansa nito sa pagbabawal sa paninigarilyo upang masiguro ang kalusugan ng publiko laban sa mga sakit na nakukuha mula sa nakakalasong usok na dala nito.
Sa pinalawig na ordinansa ay ipinagbabawal na rin ang paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar. Layunin ng bagong ordinansa na gawin “smoke-free” ang Davao City na pinapaboran naman ng publiko.
Nagsimula ang bagong batas nitong Mayo 31 lamang sa ilalim ng City Ordinance 0367-12 o ang “New Comprehensive Anti-Smoking Ordinance of Davao City.”
Kabilang sa ordinansa ay ang pagbabawal rin sa e-cigarettes, shisha o hookah na kalimitang ginagamit sa mga tradisyonal na restaurant ng mga Arabo at iba pa.
Maging ang paninigarilyo sa mga outdoor concerts, rallies at parade o kaya ay mga public gathering ay bawal na rin, gayun rin sa mga gusaling pampubliko bukod pa sa mga sementeryo, palengke, bus at jeep terminals.
Pinayuhan rin ng pamahalaang lokal ang mga addict sa sigarilyo na sa loob na lamang ng kanilang bahay o sasakyan at designated outdoor smoking areas manigarilyo.
May multa rin na hanggang P5,000 ang mahuhuling lumabag sa ordinansa at maaari pang mabilanggo ng hanggang apat na buwan.
Hindi naman agad mabatid kung maging si Pangulong Benigno Aquino na kilalang chain smoker ay darakpin kung sakaling bumisita ito at manigarilyo sa Davao City.
Inalmahan naman ng mga cigarette vendors ang nasabing ordinansa, ngunit hindi pa mabatid kung kukuwestyunin ito sa korte ng mga dambuhalang manufacturers dahil malaking kalugian ito sa kanila. Malaking buwis rin ang mawawala sa pamahalaan dahil sa epekto nito sa bentahan ng sigarilyo.
Sa Zamboanga City ay isinusulong rin ni Konsehal Myra Abubakar ang kaparehong ordinansa, ngunit hindi pa sigurado kung maipapasa ito dahil ilan sa mga kasamahan nito at maging ang alkalde ng Zamboanga ay naninigarilyo rin.
Ngunit pabor naman ang publiko sa panukala ni Abubakar.
Sari-saring sakit ang makukuha sa paninigarilyo, lalo na ang “second-hand” smoke na nalalanghap ng mga tao. Nagdudulot ito ng cancer at sa istatistika ng pamahalaang ay marami na ang nasawi dahil sa paninigarilyo. (Mindanao Examiner)