
MANILA (Mindanao Examiner / May 1, 2013) – Hindi pahuhuli sa labanan ng aktingan ang Kapamilya young stars na sina Ejay Falcon, Arjo Atayde, Yam Concepcion, Jed Montero, at Ketchup Eusebio matapos nilang patunayan na kaya nilang makipagsabayan sa mga beteranong actor ng action-drama series na Dugong Buhay.
Ayon kay Ejay, bukod sa kanyang matagal na paghahanda para sa mga kaabang-abang na action scenes ng kanyang mapaghiganting karakter na si Victor, naging malaking tulong para sa kanya ang mga payo ng mga nakatatandang aktor sa serye. Aniya, “Dahil sa ‘Dugong Buhay’ mas lalo pong lumawak ang kaalaman ko bilang aktor at natutunan ko rin po na mas maging seryoso sa craft na pinili ko.”
Bagama’t nakakaramdam ng matinding pressure sa kanyang bawat eksena, sinabi ni Arjo na itinutuon na lamang niya ang kanyang pansin sa pagganap ng kanyang karakter na si Rafael. “Kapag nakakaramdam po ako ng pressure, nagtatanong na lang po ako sa kanila ng advice kung ano ang dapat kong gawin. Nakakawala po kasi iyon ng pressure dahil parang pamilya lang po kami na nagtutulungan sa set,” pahayag niya.
Isang karangalan naman para kay Ketchup ang makatrabaho ang beteranong cast ng “Dugong Buhay” tulad nina Nonie Buencamino, Christian Vasquez, at Sunshine Cruz. “It’s more of a privilege than pressure para sa akin tuwing nakakaeksena ko ang mga premyadong aktor sa industriya dahil sobrang dami ko talagang natututunan sa kanila,” sabi pa nito.
Umaapaw naman ang kasiyahan ng dalawang leading ladies ng “Dugong Buhay” dahil sa magagandang feedback na kanilang natatanggap para sa kanilang pagganap sa itinuturing nilang biggest break sa showbiz.
Mula sa kanyang pagpapaseksi sa iba’t ibang indie at mainstream na pelikula, hindi pa rin makapaniwala si Yam na sa kanya ipinagkatiwala ang role ni Sandy. Ani Yam, “First ever teleserye ko ito sa ABS-CBN kaya mas lalo kong pinagbubuti ang sarili ko sa bawat eksena na ginagawa ko.”
Tulad ni Yam, inamin ni Jed na binago ang kanyang buhay bilang isang artista. “Ang dami-dami ko talagang natututunan sa role ko bilang si Trisha. Dahil po sa mga kasama naming bigating artista, mas lalong nakaka-motivate para sa akin na patunayan ang sarili ko sa role na ibinigay nila sa akin,” ani Jed.