ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 17, 2011) – Nalalagay ngayon sa malaking panganib ang buhay ni Zamboanga Sibugay Governor Rommel Jalosjos dahil sa halos araw-araw na pagbabanta sa kanyang buhay.
Kahapon ay apat na death threats ang natangganap nito matapos na padalhan ng text messages sa kanyang cell phone at hindi pa malinaw kung may kinalaman ito sa pulitika o sa kaguluhan sa naturang lalawigan na kung saan ay nagsagupaan doon ang militar at rebeldeng Moro Islamic Liberation Front.
“Everyday I am getting death threats from people I don’t even know. Just today, I received four death threats. I don’t know who is sending these threats to my life and it could be political and it could the rebels and we still don’t know,” ani Jalosjos sa isang chance interview ng mga mamamahayag sa Zamboanga City na kung saan ay nakipagpulong ito sa mga awtoridad.
Malaki na ang pagbabago sa lalawigan mula ng mahalal si Jalosjos doon sa unang pagkakataon at reporma sa pamahalaan at development projects ang agad na inasinta nito sa Zamboanga Sibugay. At posibleng mga kalaban sa pulitika o nagaambisyon sa 2013 ang nasa likod ng mga pagbabanta, wika pa ni Jalosjos.
Ngunit matatandaan na si Jalosjos ay nag-alok rin ng kalahating milyon pisong reward sa ikadarakip ni Waning Abdusalam, na isang MILF commander na umano’y nasa likod ng maraming kidnappings for ransom at terorismo sa Zamboanga Peninsula.
Si Abdusalam rin ang target ng military operation nuong nakaraang buwan sa bayan ng Payao sa Zamboaga Sibugay, ngunit nakatakas naman ito. Maaring may kinalaman rin ang grupo ni Abdusalam sa mga banta, subalit sinabi naman ni Jalosjos na ito’y nakahanda sa lahat ng banta sa kanyang buhay.
“Bahagi ito ng ating trabaho at paglilingkod sa gobyerno at nakahanda kaming lahat sa banta ng panganib,” wika pa nito.
Ang ama nitong si ex-Zamboanga del Norte congressman Romeo Jalosjos ay abala naman sa pagpapaganda ng Dapitan City, partikular ang kanyang Dakak Park and Beach Resort na isang tourist destination sa Zamboanga del Norte, ngunit maraming taga-Zamboanga City ang naghihimok sa dating mambabatas na tumakbo sa pagka-alkalde dito. (Mindanao Examiner)