NORTH COTABATO – Patay na ng matagpuan ang isang paslit matapos na umano’y mahulog at malunod sa irrigation canal sa Purok 4 sa Barangay Sangat sa bayan ng M’lang sa North Cotabato.
Kinilala ang nasawi na si Kiev Jazzer Babao Canaway na 16 na buwan pa lamang at na residente ng nasabing lugar. Ayon sa ina ng biktima na si Jenelyn Babao Canaway, alas-5:30 ng hapon nitong Linggo ng iwan nito ang kanyang anak sa walong taong gulang niyang kapatid na babae.
Hindi umano nabantayan ng pamangkin nito na napadako sa irrigation canal ang paslit kung saan nahulog ang bata at tuluyang nalunod. Sa panayam kay PO1 Ezra Noel Olegario, ang imbestigador sa kaso, noong mga oras na iyon ay nagpakawala ng tubig ang tagapamahala ng irrigation canal, kaya malakas ang agos.
Natagpuan ang bangkay ng paslit matapos na sundan ng pamilya ang malakas agos ng tubig at dakong alas-10:00 ng gabi ito natagpuan sa Barangay Langkong. (Rhoderick Beñez)