
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / June 8, 2012) – Deported na ngayon Biyernes ng mga awtoridad sa Davao City ang 48 Taiwanese na nakulong dahil sa umano’y pagkakasabit sa mga ilegal na gawain.
Kabilang ang mga ito sa 72 inaresto nuong nakaraang Abril dahil sa kasong extortion sa mga kapwa nila Taiwanese matapos na mabisto ang kanilang raket.
Ang natitirang mga Taiwanese ay ide-deport rin sa oras na matapos ang Bureau of Immigration sa mga papeles na kailangan upang mapalayas ang mga dayuhan.
Kakasuhan rin umano ang mga ito sa oras na makabalik sa Taiwan, ayon sa mga awtoridad.
Dinakip ang mga ito sa kanilang apartment sa Barangay Matina at Barangay Buhangin ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at ng Bureau of Immigration. (Mindanao Examiner)