NORTH COTABATO – Nasa pitong mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang diumano’y nasawi sa mortar shelling at “surgical” operation na inilunsad ng militar sa Sitio Kabasalan sa Barangay Darampua sa bayan ng Sultan Barongis sa lalawigan ng Maguindanao.
Sa panayam kay Captain Arvin Encinas, ang tagapagsalita ng 6th Infantry Division, sinabi nitong target ng opensiba ang grupo ni Kumander Salahudin Hassan. Mula alas-11:00 ng tanghali ay inabot hanggang alas-10 ng gabi nitong Lunes ang opensiba.
Ito matapos na magsumbong ang mga sibilyan sa lugar sa presensiya ng grupo ni Hassan sa ilalim ng Abu Torayfe faction. Hindi naman masabi ni Encinas kung ang casualties ay base lamang sa intelligence report dahil wala naman nakuhang bangkay ang mga sundalo sa lugar.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang combat clearing operation ng militar laban sa BIFF sa nasabing bayan. (Rhoderick Beñez)