
DAVAO CITY – Isang batang paslit sa Davao City ang dinakip kahapon ng mga awtoridad matapos diumano’y mahulihan ito na may dalang shabu na nagkakahalaga ng halos P300,000 sa isang buy-bust operation.
Hindi naman sinabi ng pulisya kung paano nilang naamoy na nagtutulak ng droga ang 12-anyos na batang lalaki na si Celso (hindi tunay na pangalan) na kanilang inaresto sa Magsaysay Avenue matapos itong magbenta ng shabu sa isang undercover agent.
Base sa imbestigasyon, lumalabas na ginagamit ng isang sindikato ang bata sa pagdedeliver at pagbebenta ng droga na hinihnalang galing pa sa Davao del Norte province. Hindi pa mabatid kung sino ang nasa likod ng sindikato o kung ilan bata ang ginagamit nito sa ilegal na gawain.
Iniimbestigahan pa ng pulisya si Celso at posibleng maging ang mga magulang ng paslit ay isailalim rin sa pagsisiyasat upang mabatid kung may kinalaman sila sa pagtutulak nito ng droga. Inaasahan na ibibigay rin sa Department of Social Welfare and Development ang bata.
Walang ibang detalye na inilabas ang pulisya dahil sa patuloy pa rin ang operasyon nito upang mabatid kung sino-sino ang nasa likod ng pagkalat ng shabu sa Davao. Matindi ang kautusan ni Mayor Rodrigo Duterte sa pulisya ukol sa kampanya kontra droga. (Mindanao Examiner)