
PAGADIAN CITY (Mindanao Examimer / Aug. 11, 2014) – Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang dalawang mag-utol matapos na ratratin ng 7 armado ang kanilang bahay sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur.
Nabatid na nilusob ng naturang grupo gabi ng Linggo ang bahay ng magsasakang si Gil Bernabe at utol na si Julie, ngunit bago pa man ang atake ay namataan na nito ang mga armadong papalapit sa kanilang lugar sa Barangay Bulawan kung kaya’t pinatakas na agad ang kanilang pamilya at biyenan.
Naiwan lamang ang mag-utol upang mabigyan ng sapat na oras ang mga kasama sa kanilang pagtakas. Gumapang na lamang ang dalawa upang makaiwas sa mga balang pinakawalan ng mga armado. Pinasabugan rin umano ng granada ng mga salarin ang bahay at saka mabilis na tumakas. Nasugatan naman sa kanyang paa si Julie.
Kinumpirma kahapon ng pulisya ang naturang atake at sinabing iniimbestigahan na ang krimen, ngunit hindi pa mabatid kung sino ang nasa likod nito.
Sinabi rin ng pulisya na rumesponde umano ang mga parak, ngunit hindi na naabutan ang mga salarin. Nabawi sa lugar ang mga basyo ng bala mula sa .45-caliber at 9mm pistol, shot gun, at safety lever ng Granada.
Ligtas naman ang mag-anak ng mag-utol at ang kanilang biyenan. Hindi naman mabatid kung may kinalaman sa lupain o clan war ang atake. (Mindanao Examiner)