
Ito ang Barangay Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao province na kung saan napatay si Malaysian bomber Zulkifli bin Hir alias Marwan. (Mindanao Examiner Photo – Mark Navales)
COTABATO CITY – Tikom pa rin ang bibig ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front sa panawagan at pakiusap ng pulisya at mga naulilang pamilya ng napaslang na 44 Special Action Force commandos na ibalik ang mga armas at personal na bagay na kanilang kinulimbat.
Napatay ang mga commandos habang papatakas mula sa liblib na barangay ng Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao province matapos na mapaslang nila sa isang sikretong misyon ang target na Malaysian bomber na si Zulkifli bin Hir, alias Marwan, nitong Enero 25.
Nakasagupa ng SAF ang puwersa ng 105thBase Command ng MILF sa akalang sila ang pakay ng mga commandos. Isinikreto ng SAF ang operasyon hindi lamang sa MILF, kundi maging sa militar at liderato ng Philippine National Police, ngunit may basbas naman ito ni Pangulong Aquino.
Hindi nagbibigay ng anumang pahayag ang MILF chairman na si Murad Ebrahim ukol sa mga armas, wallet at cell phones na tinangay ng mga miyembro diumano ng 105th Base Command.
Lumutang na rin ang balitang ibinibenta sa mataas na halaga sa Maguindanao ang mga armas ng napaslang na SAF commandos. Ngunit mas masakit umano sa ilang naulila dahil nagpapadala pa ng mga text messages ang mga nakakuha sa cell phones ng mga nasawi. Iba sa mga ito ay nangungutya pa at naghahamon sa pamilya at awtoridad na pasukin muli ang Barangay Tukanalipao upang sila’y arestuhin.
Ilang beses ng nakiusap si acting PNP chief Leonardo Espina sa pamunuan ng MILF na ibalik ang mga kagamitan ng SAF commandos. Posibleng itanggi ng MILF na nasa kanila ang mga armas at cell phones ng napatay na commandos at sa halip ay ibintang ito sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na nakasagupa rin ng SAF sa Mamasapano. (Mindanao Examiner)