

ZAMBOANGA CITY – Tila ‘ningas cogon lamang ang operasyon ng Land Transportation Office at Traffic Section ng lokal na pulisya sa kanilang kampanya kontra motorista na lumalabag sa batas-trapiko sa Zamboanga City.
Kaliwa’t-kanan ngayon ang paglalagay ng checkpoint, partikular sa dakong hapon at gabi, ng mga kawani ng LTO at traffic policemen, upang mahuli ang mga lumalabag sa batas, partikular ang mga nakasakay o pasahero ng motorsiklo na walang suot na helmet o kaya ay walang dalang lisensya at iba pa, at gayun rin sa mga nagmamaneho ng kotse at mga sasakyan.
Sa kabila ng pasulput-sulpot na operasyon nito ay tila bulag naman ang mga awtoridad sa mga pampasaherong jeep at mini-bus na walang humpay ang paglabag sa batas-trapiko.
Sa araw-araw na tanawin dito, kapuna-puna ang mga bumibiyaheng overloaded jeep at mini bus at bukod pa ang maraming mga pasaherong nakasakay sa ibabaw ng mga bubungan nito, subalit sa kabila nito ay dedma lamang dito ang mga awtoridad.
Hindi lamang peligro ang dulot nito sa mga pasahero kundi ang tahasang kawalan ng respeto ng mga tsuper sa naturang batas. Naunang idinahilan sa Mindanao Examienr ni LTO regional director Aminola Abaton na kulang sila ng tauhan kung kaya’t hindi maaksyunan ang mga paglabag na ito.
Maging ang City Hall at ang Traffic Section ng pulisya at Highway Patrol Group ay wala rin aksyon sa matagal ng problema sa mga abusadong tsuper at ang walang-katapusang paglabag sa batas ng mga jeepney drivers.
Idinadahilan naman ng ibang mga opisyal na kakaunti lamang ang jeep na bumibiyahe or kaya ay madalang na ito sa gabi, partikular sa east coast ng Zamboanga, ngunit hindi naman nakasaad sa batas o maaaring gamitin dahilang ng overloaded jeeps.
Hanggang walang malagim na aksidente ng mga overloaded jeeps at patuloy ang paglabag ng batas sa trapiko sa Zamboanga. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/
Share The News