
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Dec. 19 2013) – Wala na umano sa Zamboanga City ang dinukot na guro, ngunit patuloy pa rin ang paghahanap sa biktima na hinihinalang dinala sa Basilan province o sa ibang bahagi ng Zamboanga Peninsula.
Ito ang sinabi ni Inspector Joel Tutuh na siyang nangunguna sa pagtugis sa mga dumukot kay Cathy Mae Casipong, na nagtuturo sa Sibogtok Elementary School sa Limaong Island ng Zamboanga. Hinila ito kamakalawa ng 10 armado na sakay ng apat na motorboat.
Sinabi pa ni Tutuh na kilala na nito ang isa sa mga dumukot at nakunan ng rin ng pahayag ang ilang mga saksi ukol sa naganap.
“Meron tayong mga witnesses ngayon dito at nagbigay ng kanilang statement. Kilala na natin yun isa sa mga dumukot,” wika nito at inamin rin ni Tutuh na ka-alyado ng isang kidnap-for-ransom group ang tumira sa guro.
Hindi sinabi ni Tutuh kung may kinalaman ang Abu Sayyaf sa naganap. Hindi pa mabatid ang motibo sa pagdukot, ngunit naganap ito halos isang linggo lamang matapos na hilahin rin ng mga armadong grupo ang fish trader na si Cynthia Caboverde sa bayan ng Ipil sa katabing lalawigan ng Zamboanga Sibugay, at barangay kapitan na si Cecilia Alas-as sa bayan ng Sibuco sa Zamboanga del Norte.
Nadakip na ng pulisya ang isa sa mga dumukot kay Caboverde at nakilala itong si Adznar Chiong, at naisampa na rin ang kaso laban sa kanya at sa lider nilang si Nurhassan Jamiri, na isang notoryosong Abu Sayyaf leader na naka-base sa lalawigan ng Basilan, na katabi rin ng Zamboanga City. Dinukot si Caboverde matapos na magpa-sweldo sa mga fishing crew sa Barangay Magdaup.
Wala naman balita kay Alas-as na dinukot ng 3 maskaradong armado sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Paniran at hinila patungo sa karagatan na kung saan ay naghihintay ang isang motorboat. (Mindanao Examiner)