KIDAPAWAN CITY — Napatay ang isang 72-anyos na lola na isang retiradong guro matapos na masapol ng bala sa pamamaril na target sana ay ang punong barangay na nagbibisekleta sa covered court malapit sa kanilang barangay Hall sa Barangay Sibsib sa bayan ng Tulunan, North Cotabato, nitong Martes.
Kinilala ang nasawi na si Nelly Nacano na tinamaan sa kanyang balakang habang nagsasaing sa loob ng kanilang bahay, ng maganap ang pamamaril alas-5:50 ng umaga.
Target sana ng mga suspek na nakasakay sa isang kulay gray na Montero si Barangay SibSib Chairman Joemar Cerebo Almirante na nagbibisikleta lang sa covered court, malapit sa barangay hall.
Tatlong mga putok ng baril mula sa M16 ang pinaulan ng mga suspek kay Almirante pero naka ilag ito at maswerteng nakaligtas sa pamamaril.
Dahil sa malapit lang ang bahay ng biktima sa pinangyarihan ng insidente ay nahagip si Nicano ng bala.
Unang dinala sa Sorilla Medical and Maternity Clinic sa nasabing bayan ang biktima pero kalaunan ay dinala sa Kidapawan city kung saan binawian din ng buhay.
Sa ngayon ay wala pang malinaw na dahilan ang PNP hinggil sa pamamaril kay punong Almirante.
Kung matatandaan, si Almirante ay kabilang sa mga barangay officials na tinukoy sa listahan ni President Duterte na sangkot sa iligal na droga.
Mariin namang itinanggi ito ng opisyal at iginiit na biktima lang umano siya ng maling impormasyon at napolitika.
Una na ring sinalakay ng mga otoridad ang kanyang bahay sa bisa ng search warrant dahil umano sa ilegal na droga at pagtatago ng armas pero nag negatibo naman ito. Rhoderick Beñez