
MANILA – Nahagip ng malaking protesta ang TVI Resource Development, Inc. sa harapan ng tanggapan nito sa Makati City matapos na lumusob doon ang mga environmental advocates na tutol sa mining operations ng kumpanya sa Mindanao.
Kasama rin sa mga nag-rally ang mga miyembro ng Panalipdan Mindanao sa pangunguna ni Dulping Ogan, ang secretary general ng naturang grupo na galing pa sa katimugan ng bansa.
Inakusahan ng mga raliyista ang TVIRD – na pagaari ng Canadian company na TVI Pacific – ng kung anu-anong bintang at kabilang dito ang alegasyon na maraming mga natibong Subanen ang apektado ng large scale mining operations ng kumpanya sa Zamboanga Peninsula na kung saan ay may open-pit ito na siyang ikinababahala naman ng mga environmentalists dahil sa nakaambang peligro na posibleng magiba ito sa dami ng waste water mula sa minahan.
Libo-libong natibong small-scale miners ang sinasabing apektado ng mining operation ng TVIRD sa bayan ng Bayog sa Zamboanga del Sur province. Lumipat doon ang TVIRD matapos na mahinto ang open-pit mining operations nito sa kabundukan ng bayan ng Siocon sa Zamboanga del Norte.
Wasak ang malaking bahagi ng Mount Canatuan sa Siocon dahil sa mining operations.
Mahigpit rin ang pagtutol ng Katolikong Simbahan at ni Zamboanga del Norte Bishop Jose Manguiran na siyang nangunguna sa mga protesta kontra TVIRD.
Noong nakaraang taon lamang ay nagtungo rin sa bayan ng Bayog ang mga religious leaders at human rights advocates na tutol sa operasyon ng TVIRD para sa isang solidarity mission at kabilang sa mga ito ay si Bishop Antonio Ablon, isa sa mga conveners ng Advocates for Peace.
Sinabi ni Bishop Ablon, ng Diocese of Pagadian City-Iglesia Filipina Independiente, na nakipag-usap sila sa mga residente ng nasabing bayan kasama sina Bishop Manguiran at miyembro ng United Church of Christ in the Philippines, Rural Missionaries of the Philippines at Karapatan at tutol diumano ang mga natibo sa mining operations sa Bayog.
Nabatid na may Mineral Production Sharing Agreement ang TVIRD para sa 4,779 hectares sa Bayog. Bukod sa Bayog ay may nickel mining operations pa ang TVIRD sa Agusan del Norte province.
Target naman ng New People’s Army ang TVIRD dahil tutol rin ito sa mining operations ng kumpanya at dahil na rin sa mga alegasyon ng ilang grupo laban sa kanila. Ilang ulit ng itinanggi ng TVIRD ang lahat ng akusasyon laban sa kanila. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com and http://www.mindanaoexaminer.net