NORTH COTABATO – Umabot sa 13 matataas na kalibre ng armas at bala ang isinuko ng mga kanaak ni ng yumaong Barangay Tagbac Chairman Reinado Dinampo sa 901st Infantry Brigade sa Barangay Tagbac sa bayan ng Magpet sa North Cotabato nitong Lunes.
Sa naging salaysay ng kapatid ng dating kapitan na si Julie Dinampo Pajati, bago umano ito namatay ay ihinabilin nitong i-surrender sa mga awtoridad ang naturang mga armas. Kinabibilangan ito ng M14, M16, M1 Garand, Carbine, grenade launcher, at .45-caliber pistol at daan-daang mga bala nito na itinago ni Dinampo sa kanilang ancestral house sa naturang barangay.
Ang mga armas na isinuko sa militar. (Kuha ni Randy Patches ng dxND-Radyo BIDA Kidapawan.)
Ayon sa report, na dahil umano sa mga banta mula sa mga New Peoples Army na mahigpit namang pinipigilan ni dating Kapitan Dinampo na makapasok sa kanyang barangay ang naging dahilan kung bakit may armas ito.
Dagdag pa ni Pajati, natatakot narin umano sila dahil sa mga banta mula sa NPA na kukunin ang natitirang mga armas ni Dinampo kaya kanilang itong isinuko sa mga sundalo. Matatandaang Pebrero noong nakaraang taon ng pasukin din ng NPA ang bahay ni Dinampo sa Sitio Pinantao, Barangay Sudapin sa Kidapawan City at kinumpiska ang mga tinatago nitong mga armas.
Maikokonsidera namang mga illegal firearms ang naturang mga armas, ayon pa kay Capt. Randy Llunar, ang Civil Military Operation Officer ng 901st Infantry Brigade. Ayon sa opisyal, walang kakaharaping kaso ang pamilya ni Dinampo dahil sa nag-boluntaryong silang isuko ang naturang mga armas. (Rhoderick Beñez at Mark Anthony Tayco)