
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / June 22, 2012) – Isa umano ang patay at tatlong mga menor-de-edad ang sugatan matapos na pasabugan ng granada ang isang bahay ng isang dating konsehal sa bayan ng Shariff Aguak sa magulong lalawigan ng Maguindanao.
Inihagis ang granada ng di-kilalang lalaki nitong Huwebes ng gabi habang nagpapahinga ang pamilya ng isang dating opisyal ng barangay sa Tuayan, ayon sa militar.
Hindi pa mabatid ang motibo sa atake at iniimbestigahan pa rin ng pulisya kung may kinalaman sa pulitika o family feud at clan war ang pagpapasabog ng granada sa bahay.
Walang ibinigay na pahayag ang pamilya ukol sa naganap, ngunit posibleng mauwi ito sa rido o ubusan ng lahi kung hindi agad matutuldukan ang kaguluhan.
Talamak ang rido sa Mindanao, partikular sa mga pamilya at angkan ng mga Muslim sa nasabing rehiyon. (Mindanao Examiner)