ZAMBOANGA CITY – Pinalaya ng Abu Sayyaf sa Sulu province ang isang 17-anyos na babae na kanilang dinukot sa bayan ng Pitogo sa Zamboanga del Sur, ngunit wala naman balita sa 3-anyos na batang kasama nito.
Ayon sa ulat, nadala na ngayon sa Zamboanga si Ledegie Tomarong. Walang detalyeng ibinigay ang mga awtoridad ukol sa paglaya ng babae.
Dinukot noon Marso 31 ng mga armado si Ledegie at ang mga batang sina Ace Jay Garban at Zynielle Jay Garban, 3, matapos silang mabigong tangayin ang may-ari ng isang bakery doon.
Natagpuan naman ang bangkay ni Zynielle sa karagatan, subali’t hindi matiyak kung ito ba ang pinaslang ng mga armado o tinamaan ng liga na bala sa naganap na labanan sa pagitan ng mga awtoridad at Abu Sayyaf.
Hindi mabatid kung magkanong ransom ang ibinayad sa Abu Sayyaf kapalit ng paglaya ni Ledegie.
Hawak rin ng mga kidnappers ang mayor ng Naga na si Gemma Adana. Tikom pa rin ang bibig ng pamilya nito habang patuloy naman ang paghahanap ng pulisya at militar sa biktima.
Pinasok ng mga armado ang bahay ni Adana noon Marso at kinaladkad ito sa tabing ilog ng naturang bayan. Inginuso ng pulisya ang isang breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front at ang Abu Sayyaf na siyang nasa likod ng krimen.
Hindi naman mabatid ngayon kung saan dinala si Adana – sa Sulu, Basilan o Central Mindanao – ngunit hawak na ng Anti-Kidnapping Task Group ng Philippine National Police. (May ulat ni E. Dumaboc)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share The News