
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Oct. 20, 2012) – Inirereklamo na mga negosyante at residente ang panibagong serye ng blackout sa Zamboanga City at halos araw-araw ay umaabot sa 6 beses ito.
Isinisi naman ng Zamboanga City Electric Cooperative sa National Grid Corporation of the Philippines ang blackout. Ngunit ayon sa NGCO ay nag-shut down ang isang coal-fired power plant sa Misamis Oriental na siyang tumutulong sa pagbibigay ng kuryente sa Mindanao grid.
Ngunit may plano naman ang Zamboanga City Electric Cooperative na maglagay ng 10-megawatt solar power plant sa susunod na taon at pinaboran naman ito ng marami.
Unang sinabi ng STEAG Power Inc. na siyang nagpapatakbo ng coal-fired power plant ay nakatoka na umano ang maintenance nito sa plata mula Oktuibre 6-24, at Oktubre 29-Nobyembre 4.
Ngunit naging dahilan naman ang blackout sa pagpupursige ng iba na maglagay ng karagdagang coal-fired power plant sa Mindanao na tinututulan naman ng mga environmentalists dahil sa pinsalang dulot nito sa kalikasan sanhi ng polusyon.
Sa Zamboanga City ay isinusulong rin ni Mayor Celso Lobregat ang pagtatayo ng 100-mewawatt coal-fired plant ng Conal Holdings sa Barangay Talisayan na inaayawan naman ng mga residente at kapitana doon.
Gayun rin sa Davao na kung saan ay ipinagpipilitan naman ng Aboitiz Power ang kanilang coal-fired power plant at tulad sa Zamboanga ay tinututulan rin ito ng publiko.
Nagbebenta rin ang Aboitiz ng mga kuryente mula sa power barges nito sa mga lugar na apektado ng blackout at patunay ito na kinokorner ng Aboitiz at iba pang mga kumpanya ang kontrol sa power supply sa Mindanao.
Ang coal-fired power plant ang pangunahing problema ng mundo dahil sa carbon emission nito na siyang nagpapalala sa global warming at matinding epekto nito sa klima.
Nanawagan naman ang mge environmentalists na tutulan ng publiko sa Zamboanga at Davao at ibang bahagi ng Mindanao ang pagtatayo ng coal-fired power plant upang mapangalagaan ang kalikasan mula sa nakakalasong epekto nito. (Mindanao Examiner)