KIDAPAWAN CITY – Narekober ng mga sundalo ang isang bag na may 5 bomba o improvised explosives sa Sitio Galay, Barangay Kibayao sa bayan ng Carmensa North Cotabato province.
Ang mga pampasabog ay natagpuan ng mga sundalo mula sa 7th Infantry Battalion at 62nd Division Reconnaissance Company ng 602nd Infantry Brigade na iniwan ng dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo.
Ito matapos na inireport ng mga sibilyan sa militar dakong alas-12:45 ng tanghali nitong Martes na may dalawang mga suspek na magluluwas sana ng mga IED mula sa Barangay Tonganon papunta sa Barangay Kibayao sa nasabing bayan.
Bagay namang umalerto ang mga sundalo at naglunsad ng operasyon para masilat ang tangkang pagpapasabog. Agad naman tumakas ang mga suspek ng kanilang makita ang mga sundalo limang daang metro ang layo mula sa kanilang inilatag na highway checkpoint at iniwan ang bag na may lamang IED sa gilid ng kalsada.
Matapos na kinordon ang lugar sa tulong ng Explosive Ordnance Disposal at ng K-9 unit ng mga sundalo upang isagawa ang safety procedure. Nadiskubre ang limang IED na gawa mula sa 81mm mortar.
Dahil dito napigilan ang sana’y mapaminsalang pagpapasabog ng mga suspek sa mga target nilang lugar. Sa mga nagdaang insidente ng pagpapasabog sa bayan ng Carmen, karamihan sa mga tinatarget ng mga suspek ang mga nakatayong tore ng National Grid Corporation of the Philippines. (Rhoderick Beñez)