KIDAPAWAN CITY – Nakaambang magtaas ng kanilang matrikula ang tatlong mga pribadong eskwelahan sa Kidapawan City at ito ay ayon sa Quality Assurance Division ng Department of Education Region 12.
Napag-alaman na 26 na mga private elementary at high schools sa Region 12 ang nag-apply para magtaas ng tuition fee at iba pang school fees ngayong school year 2018-2019. Umaabot sa hanggang 18% ang isinusulong na increase sa tuition fees ng naturang mga paaralan na mapupunta umano sa sahod ng mga guro, pagsasa-ayos ng mga school facilities at iba pa.
Sa nasabing bilang, pito lamang sa mga nag-apply ang naaprubahan at ang iba ay isinasailalim pa sa review kung ang mga ito ba ay nakapagsagawa ng konsultasyon. Kabilang sa mga naaprubahan na magtataas ng tuition fees ang: Jireh Alliance School, Notre Dame of Kidapawan College at St. Marys Academy.
Ilang dokumento na lamang ang isususmite ng Central Mindanao Colleges at maaprubahan na ang kanilang aplikasiyon, ganundin ang Notre Dame of Makilala sa bayan ng Makilala, North Cotabato. (Rhoderick Beñez)